58,700 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiriwang ngayong araw ang Human Rights Day, na may temang “Our rights, our future, right now”. Sa kanyang mensahe para sa araw na ito, binigyang-diin ng Human Rights Chief ng United Nations (o UN) na si Volker Türk ang papel ng mga karapatang pantao sa pagtataguyod ng kabutihan sa mundo. Magandang paalala ito lalo na ngayong kabi-kabilang krisis ang nararanasan natin.
Anibersaryo din ngayon ng Universal Declaration of Human Rights na inilathala noong 1948. Ito ang nagsisilbing pundasyon at gabay ng mga bansang kasapi ng UN sa pagpapatupad ng mga patakarang may kaugnayan sa human rights. Ito rin ang nagsisilbing paninindigan nila sa pagprotekta ng karapatang pantao. Sa kasulatang ito, may 30 universal rights and freedoms na inilahad, gaya ng karapatang mabuhay nang disente, magkaroon ng ari-arian, malayang magpahayag ng saloobin, magpahinga, at mag-aral.
Ang mga karapatang ito ay inherent o likas na tinataglay ng isang tao mula pagkasilang. Ang mga ito ay universal o pangkalahatan at walang pinipiling katangian ng tao. Anuman ang ating kasarian, kulay ng balat, nasyonalidad, o edad, lahat tayo ay may mga karapatan. Ang mga human rights ay indivisible o hindi maihihiwalay sa isa’t isa. Hindi maaaring makamit ng isang tao ang isang karapatan pero ipinagkakait naman ang iba. Ang mga karapatang pantao ay inalienable o hindi dapat ipagkait sa kahit sino. Kaya naman, isinasaad din sa Universal Declaration of Human Rights na ang bawat isa sa atin ay may tungkuling siguruhin ang karapatan at kalayaan ng lahat ay napoprotektahan.
May ibinibigay na tatlong responsibilidad ang UN lalo na sa mga pamahalaan: to respect, to protect, at to fulfill human rights. Ang pagrespeto ay nangangahulugang hindi paghadlang at pagkait sa karapatan ng mga mamamayan. Obligado rin ang pamahalaang protektahan ang mga mamamayang naaabuso ang karapatan. Panghuli, dapat may mga aktibong aksyon din ang pamahalaan upang ganap na makamit ng mga tao ang kanilang mga karapatan.
Bilang mga indibidwal, paano kaya natin magagampanan ang ating tungkuling protektahan ang karapatan ng bawat isa?
Maaari natin itong simulan sa ating mga tahanan, kahit sa simpleng paraan ng pagsigurong nakakakain at nakapag-aaral ang ating mga anak. Kung may mga nasasaksihan tayong mga paglabag sa karapatang pantao sa ating komunidad, gaya ng sapilitang pagpapalayas sa mga pamilya sa kanilang tirahan, gamitin natin ang ating karapatang magpahayag nang malaya at sikaping kausapin ang mga awtoridad. Sa mga malawakang paglabag sa mga karapatang pantao, gaya ng kaliwa’t kanang pagpatay sa mga taong gumagamit ng droga o panggigipit sa mga katutubo para makuha ang kanilang lupang ninuno, maaari tayong sumama sa mga panawagan para sa hustisya.
Sabi nga sa Filipos 2:4, “Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.” Kasabay ng pagsigurong nakakamit natin ang ating mga karapatan, tingnan din natin kung napoprotektahan din ang karapatan ng ating mga kapamilya, kapitbahay, at kapwa.
Mga Kapanalig, ang pagprotekta sa ating mga karapatan ay may epekto sa kinabukasan ng ating bayan. Kaya gawin natin ang ating parte bilang mga mamamayan, at gawin din dapat ng pamahalaan ang mga obligasyon nitong igalang, pangalagaan, at tuparin ang ating mga karapatan. Tandaan natin ang sinabi sa Catholic social teaching na Pacem in Terris na ang kabutihang panlahat sa mundo ay makakamit kung may kabutihang panlahat sa bawat bansa. Magsisimula ito sa pagtatanggol at pagtataguyod sa mga karapatang pantao.
Sumainyo ang katotohanan.