14,517 total views
Nagpaabot ng pagbati at pananalangin ang social, development, at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kay bagong Filipino Cardinal, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang pagkakatalaga ni Pope Francis kay Cardinal David ay hindi lamang pagkilala sa kanyang personal na kakayahan, kundi pati na rin sa mga prinsipyo at misyon ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na sumisimbolo ito ng suporta ng Simbahan sa pagsusulong ng katarungan at kapayapaan, lalo na para sa mga biktima ng war on drugs ng nagdaang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Cardinal Ambo’s elevation as Cardinal by the Holy Father is a recognition of his and the Philippines Church’s commitment to justice and solidarity with the victims of the bloody and violent war on drugs under the previous administration,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Pinuri din ng obispo ang patuloy na suporta ni Cardinal David sa muling pagbibigay-lakas sa mga gawain ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace upang palalimin ang adbokasiya ng Simbahan para sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Dagdag ni Bishop Bagaforo, bilang pinuno ng kalipunan ng mga obispo sa Pilipinas, tiyak na magkakaroon ng mas malawak na impluwensya ang pamumuno ni Cardinal David, na magbibigay-inspirasyon sa mas maraming gawain para sa kapakanan ng mga tao at ng lipunan.
“Over the past years, he encouraged me, as Chairman of the Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, to renew the commission’s work for human rights, justice, and peace. The grace of his office as Cardinal will surely boost this ministry under his leadership of our Episcopal Conference,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Ginanap ang Consistory sa Vatican noong December 7, 2024, kung saan iginawad ang red hat sa 21 bagong prinsipe ng Simbahan, kabilang na ang pangulo ng CBCP.
Si Cardinal David ang ika-10 Pilipinong Cardinal at ikatlong Cardinal Electors ng Pilipinas, kasama sina Cardinal Luis Antonio Tagle at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.