107,482 total views
Mga Kapanalig, pinahahalagahan sa Banal na Kasulatan ang katarungan.
Ayon sa Levitico 19:15, “Huwag kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya’y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran.” Isinasaad ng ating pananampalataya na nais ng Diyos na igawad natin ang katarungan lalo na sa mga umaabuso sa kapangyarihan, lumalabag sa batas, at lumalapastangan sa dignidad ng ating kapwa.
Noong Marso 11, hinuli ng International Police Organization (o Interpol) Manila at ng Philippine National Police si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport. Kababalik pa lang niya noon mula sa Hong Kong. Ang dating pangulo ay humaharap sa mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity dahil sa mga human rights violations at extrajudicial killings sa ipinatupad na war on drugs ng kanyang administrasyon.
Ayon sa Presidential Communications Office, inihain ng isang prosecutor general ng International Criminal Court (o ICC) ang warrant of arrest sa dating pangulo. Agad namang isinagawa ng Interpol Manila at PNP ang paghuli sa dating pangulo matapos matanggap ang opisyal na kopya ng warrant. Nilinaw din ni Pangulong Marcos Jr na ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay ayon sa utos ng Interpol na nagsilbi ng warrant mula sa ICC. Tanda raw ito ng pakikiisa ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad.
Ang malaking kaganapan na ito sa ating kasaysayan ay isang natatanging halimbawa na kahit napakasalimuot ng katarungan sa ating bansa, hindi ito imposibleng makamit. Hindi maitatangging madalas na nababahiran ng pamumulitika at paghihiganti ang ating sistemang pangkatarungan, lalo na kung ang mga dawit ay mga makapangyarihang personalidad. Masasabi ba nating dalisay o tuwid talaga ang katarungan sa ating bayan? Personalan o pamumulitika lang ba ang paraan upang mapatawan ng katarungan ang mga nagkasala?
Hindi sang-ayon ang Simbahan na pulitika o personal na panghihiganti ang batayan ng paggagawad ng katarungan. Isinasaad sa katekismo at mga panlipunang turo ng Simbahan na ang pagpapairal ng katarungan at awtoridad ay nakaugat sa Diyos at sa likas na batas-moral. Sinasabi rin ng Simbahang dapat sinisiguro ng mga awtoridad ang pagpapanatili ng katarungan sa isang komunidad o estado.
Sa pag-arestong ito kay dating Pangulong Duterte, masasabi nating kinikilala nating muli na ang katarungan at pananaig ng batas ay ilan lamang sa mga haligi ng ating estado at ng ating lipunan. Sa nangyaring pag-aresto sa utak ng marahas at madugong giyera kontra droga, napabubuti natin ang ating kooperasyon at reputasyon sa international community. Kasangga natin ang pandaigdigang komunidad sa pagpapairal ng human rights sa ating bansa.
Ngunit higit pa ito sa ating pakikipagtulungan sa ibang bansa. Ang makasaysayang pangyayaring ito ay maituturing na paninindigan para sa katarungan at sa pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali. Ating inaangkin muli ang pagkilala sa kahalagahan ng mga karapatang pantao na niyurak ng nakaraang administrasyon sa mga kapatid nating hindi nabigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili sa harap ng batas. Ang pag-arestong ito ang simula ng pagkilala sa batas na ang layunin din naman ay protektahan ang mga karapatan ng dating pangulo, kahit siya mismo ang nagkait nito sa mga biktima ng extrajudicial killings.
Mga Kapanalig, ito na ang matagal na hinihintay na pagpapanagot sa mga umabuso sa kapangyarihan at yumurak sa mga batayang karapatang pantao. Ngunit ito ay hindi tungkol sa pulitika at ugnayang panlabas lamang. Ito ay ang mapait at mahapding kuwento ng paghahangad ng hustisya para sa ating mga kababayang inabuso at pinagkaitan ng dignidad at karapatan. Sa makasaysayang pangyayaring ito, gumaan kahit papaano ang bigat sa dibdib ng mga pinahahalagahan ang dignidad ng tao, dahil ang katarungan—kahit na mahirap makamit—ay abot-kamay pa pala.