12,482 total views
Mga Kapanalig, kung gaano tayo naniniwalang likas na mabuti ang bawat tao, hindi natin maitatangging kahit katiting, likas din tayong mapanghusga sa ating kapwa. Maraming pinagbabatayan ang panghuhusga natin sa iba—itsura, ugali, estado sa buhay, edukasyon, relihiyon, kinasanayang wika, at kasarian. Ang panghuhusgang ito ay hinihubog ng kinalakihan nating kapaligiran, nakagisnang kultura, at iba pang impluwensya, lalo na ang media.
Nagiging mapanganib ang panghuhusgang ito kung nagiging basehan na ito ng ating pakikitungo sa isa’t isa. Nagiging diskriminasyon na ito; ibig sabihin, nawawalan ng patas na pagkakataon ang iba na makamit ang nararapat para sa kanila dahil nagsisilbing hadlang ang partikular nilang katangian.
Napabalita kamakailan ang lantarang diskriminasyon sa mga kababayan nating malalaki ang pangangatawan o overwight o plus-size. Mas mahal daw ang singil sa kanila sa mga public utility vehicles (o PUV) gaya ng mga bus, jeepney, at taxi. Doble raw ang pamasahe nila dahil mas malaking espasyo ang nasasakop nila sa mga upuan. Naranasan mo na ba ito? May kakilala ka bang nakaranas ng ganitong diskriminasyon?
Sa dami ng reports tungkol dito na natatanggap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (o LTFRB), nagbabala na ang ahensya sa mga drivers at operators ng mga PUV. Wala daw dapat puwang ang diskriminasyon sa ating transport system. Ang paniningil nang doble sa mga malalaking pasahero ay hindi lamang labag sa batas; ito ay “discriminatory and fundamentally unjust.” Papatawan ng parusa gaya ng multa at suspensyon ng operasyon ang mga PUVs na mahuhuling sinisingil ang mga kababayan nating plus-size ng mas mataas sa tamang pamasahe. Iyon ay kung mahuhuli nga sila at kung aaksyunan talaga ng ahensya ang mga sumbong sa kanila.
May mga kababayan naman tayong walang nakikitang problema sa doble pasaheng sinisingil sa mga may malalaking pangangatawan. Kung kaya raw nilang magpakasasà sa pagkain na dahilan ng kanilang bigat, dapat lang daw silang magbayad ng mas mataas. Hindi raw dapat kunsintihin ng gobyerno ang ganitong uri ng pamumuhay. Pero paano naman kung hindi naman dahil sa pagkain ang kanilang paglaki? At kung dahil nga sa pagkain ang dahilan ng pagdagdag sa kanilang bigat, basehan na ba iyon para singilin sila ng doble? Hindi kaya ang solusyon ay sundin ng mga pampasaherong sasakyan ang tamang seating capacity nila, hindi iyong pipilitin nilang pagsiksikin ang mga pasahero para lang mas kumita?
May mga nangangatwiran ding baka mas mapasamâ pa ang mga kababayan nating plus-size kung hindi papayagan ang mga pampasaherong sasakyan na maningil ng mas mataas. Ang mga taxi drivers, halimbawa, ay hindi na hihintuan ang mga pasaherong malaki ang pangangatawan, kaya sa huli, mas mahihirapan silang magbiyahe. Anong tingin ninyo, mga Kapanalig?
Tinututulan ng ating Simbahan ang anumang uri ng diskriminasyon. Una kasing nilalabag nito ang pagpapahalaga natin sa dignidad ng tao, isang mahalagang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Santa Iglesia. Aminado naman tayong hindi pa rin bukás ang mga turo ng Simbahan sa iba pang batas at kulturang layong burahin ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao. Naniniwala pa rin tayo sa pagkakaiba-iba ng bawat isa at ang maiaambag ng mga tao gamit ang kanilang mga katangian. Pero sa kaso ng paniningil ng mas malaki sa mga taong plus-size o overweight, malinaw na diskriminasyon ito. Malinaw na pagkakait iyon sa kanilang karapatang makakilos nang malaya at maginhawa.
Mga Kapanalig, sabi nga sa 1 Samuel 16:7, “Si Yahweh’y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.” Kaya rin ba natin ito? Kaya ba ito ng ating mga tsuper? Kaya ba nating mabuhay nang walang diskriminasyon?
Sumainyo ang katotohanan.