472 total views
Manalig sa Panginoon at umasang malalagpasan pandemya.
Ito ang panawagan ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, chairman ng Commission on Youth ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa krisis na dulot ng novel coronavirus na nagresulta na rin ng pagtaas ng kaso mental health at mga insidente ng pagpapatiwakal sa bansa.
Ayon sa Obispo, dahil sa mga limitasyon dulot ng pandemya ay nararanasan ng mamamayan ang panlulumo, kalungkutan at pag-iisa dulot ng kawalan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Paliwanag ni Bishop Alarcon, mahalaga ang pananalangin sa Diyos upang masumpungan ang pag-asa, kalakasan ng loob na harapin ang mga pagsubok na dulot ng pandemya.
“Keep the faith, manalig sa Diyos ang panahon natin ngayon makes us realize ang ating mga limitations at marami ito, pangalawa ipinapakita nito na kung mag-isa lang tayo hindi natin kakayanin, malalaki ang challenges kailangan magtulong tulong but manalig tayo because God has given us the capacity to face adversities and even in difficult times you can make a difference,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Alarcon sa Radio Veritas.
Binigyang diin rin ng Obispo na mahalagang pangalagaan ang mental health, tulad ng pangangalaga sa katawan sa pamamagitan ng masusustansyang pagkain at busugin ang puso ng mga positibong pananaw at disposisyon sa buhay.
“Kung anong kinakain natin, kung anong nilalagay natin sa katawan natin, ganun din sa ating puso at isipan. What do we keep in our mind? mga galit, inggit, worried. So they should have much more positive thoughts and nurture a healthy disposition, what we also called a healthy realism na habang tayo ay may hope, may faith we are also realistic na hindi overnight mababago ang situation natin.” Dagdag pa ni Bishop Alarcon.
Batay sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH) umaabot sa 300 hanggang 400 tawag kada buwan ang natatanggap ng ahensya mula sa mga dumaranas ng iba’t ibang mental health problems na higit na lantad sa pagpapatiwakal simula ng magpatupad ng mahigpit na community quarantine sa bansa noong Marso dahil sa COVID-19 pandemic.