694 total views
Muling nanawagan sa pamahalaan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) at Church-people Workers Solidarity (CWS) ng umento sa sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Elmer Labog, chairperson ng Kilusang Mayo Uno at Church-people Workers Solidarity (CWS), hindi na kaya ng purchasing power ng mga manggagawa ang mataas na presyo ng bilihin at public services.
Sinabi ni Labog na ang napakataas na inflation rate na umabot sa 7.7% noong nakalipas na buwan ng Oktubre ay katunayan na masyadong mataas na ang consumer price index.
“Para sa aming mga manggagawa isang must yung need na i-adjust yung sahod. Panawagan namin ay dapat ‘Sahod itaas!, presyo ibaba! Malaki, hindi biro-biro yung 7.7% rate ng inflation, ibig sabihin mataas talaga yung consumers price index, naiiwanan na yung purchasing capacity ng mga manggagawa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Labog.
Iginiit din ni Labog na buwagin ang magkakaibang minimum wage sa bawat rehiyon dahil pareho-pareho lamang ang presyo ng mga bilihin at serbisyo na magkakasabay ring tumataas sa buong bansa.
Sa 7.7-percent na pagtaas ng inflation rate noong Oktubre ay inaasahan ni Labog na bumaba sa 100-piso ang halaga ng kinikita ng mga minimum wage workers na 570-pesos lamang kada araw.
“Kasi biktima ang mga manggagawa dito sa existing Republic Act 6727 na kung saan ay itinatakda nito yung tinatawag na regionalization ng wages, and yet sa recent study ng Ibon Data Bank halos hindi nagkakalayo yung family living wages at yung cost of living ng mga rehiyon maliban lang sa BARMM na ironically na may pinakamataas na cost of living sa kasalukuyan,”paglilinaw ni Labog
Sinasabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang 7.7% na inflation rate noong Oktubre ay ang pinakamataas sa loob ng 14-taon.