680 total views
Mga Kapanalig, isa marahil sa mga nakapagpapanalo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr sa Occidental Mindoro ay ang pangako niya noong kampanya na tutugunan niya ang deka-dekada nang problema ng probinsya sa kuryente. Binanggit niya sa isang campaign rally doon na malaking problema ng mga taga-Occidental Mindoro ang madalas na brownout at mataas na singil sa kuryente. Kailangan daw itong aksyunan upang mabilis na umusad ang kaunlaran at pagbabago sa probinsya.1
Isang taon matapos ang pagbibitiw ni PBBM ng pangakong iyon at halos isang taon na rin siyang nasa puwesto, isinailalim ng pamahalaang panlalawigan ang Occidental Mindoro sa state of calamity dahil sa krisis sa kuryente doon. Mahigit isang buwan na kasing apat na oras bawat araw may kuryente sa lalawigan. Kalbaryo itong maituturing lalo na’t matindi ang init ng panahon. Ayon kay Governor Eduardo Gadiano, na inendorso sa pagkapangulo ang noon ay kandidatong si PBBM, marami nang negosyo ang nagpaplano o napilitan nang magsara na lamang. Pinakakawawa rin daw ang mga nasa ospital kung saan nakasalalay sa generator ang buhay ng mga pasyente. Ilang ulat na rin ang nakarating sa kanyang opisina tungkol sa mga estudyanteng hinihimatay dahil sa init sa mga silid-aralan.2 Taun-taon na ang ganitong pagdurusa ng ating mga kababayan doon.
Sa pagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity, magagamit ng provincial government ang calamity fund nito upang bumili ng mga generator sets at gasolinang kailangan upang patakbuhin ang mga ito. Gayunman, hanggang 10 milyong piso lamang ang maaari nitong magastos at sapat lamang ang mga bagong gamit at gasolina para sa pitong ospital sa Occidental Mindoro.
May mga sinisisi ang umano’y dysfunctional service ng power provider at distributor sa probinsya.3 Kung ang power provider at distributor naman ang tatanungin, itinuturo nilang dahilan ng malawakang brownout sa matagal nang delay sa pagbabayad sa kanila ng National Power Corporation (NAPOCOR) ng tinatawag na subsidy payment.4 Kung wala ang subsidy payment na ito, hindi kakayanin ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) na mai-supply ang 30 megawatts na kailangan ng buong probinsya.
Isang pangunahing pangangailangan ng tao ang kuryente. Kung wala nito, mahirap para sa ating makamit ang iba nating mga karapatan katulad ng pabahay, kalusugan, at edukasyon. Marami ring negosyo at kabuhayang nakasalalay sa kuryente. Kailangan din ito para sa ating kaligtasan mula sa kapahamakan at sa pakikipagkomunikasyon. Kaya naman, napakabigat na kalbaryo ang pinapasan ng ating mga kababayan sa Occidental Mindoro, at nakalulungkot na wala silang natatanggap na kalinawan mula sa lokal at pambansang pamahalaan kung ano ang pangmatagalang solusyon sa kanilang problema.
Maalala sana lagi ng mga namumuno sa ating bayan na ang kanilang awtoridad ay dapat na ginagamit upang makamit ng taumbayan ang kanilang ganap na kagalingan, katulad ng binibigyang-diin sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes.5 Bilang mga tagapagpanagap ng katarungan sa kanilang mga pinamamahalaan, gaya ng ipinahihiwatig sa Roma 13:4, ang mga tinagurian nating lingkod-bayan ay hindi dapat nagpapatumpik-tumpik kapag buhay na ng mga tao ang nakasalalay.
Mga Kapanalig, sa usapin ng krisis sa kuryente sa Occidental Mindoro, magkaroon sana ng tinatawag na sense of urgency ang mga nakapuwesto sa lokal at pambansang pamahalaan—papanagutin ang mga dapat papanagutin, bayaran ang mga dapat bayaran, at pabilisin ang mga desisyon at aksyong dapat isagawa. Sa halip na magturuan, bakit hindi sila magtulung-tulong na maghanap ng solusyon? Kung ang mga nasa pamahalaan ang nasa kalagayan ng mga estudyante, guro, pasyente, at manggagawang nagtitiis sa init sa araw at sa dilim sa gabi, tiyak na sila rin ay aalma at mananawagan ng agarang solusyon. At panahon na upang singilin ang mga nangako ng pagbabago noong panahon ng eleksyon.
Sumainyo ang katotohanan.