71,908 total views
Mga Kapanalig, matapos ang malalakas na ulan at malalang pagbaha dala ng bagyo at habagat noong Hulyo, dumami muli ang kaso ng leptospirosis sa bansa.
Sabi ng Department of Health (o DOH) noong nakaraang linggo, mahigit 2,100 na kaso na ang naitala mula sa simula ng taon hanggang noong Agosto 3. Bagamat mas mababa ito sa halos 2,800 na kaso noong parehong panahon noong 2023, ayaw magpakakampante ng DOH. Posible kasi ang late reporting dahil umaabot hanggang isang buwan ang incubation period o ang panahon hanggang lumitaw ang mga unang sintomas ng leptospirosis.
Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na nakukuha sa paglusong sa bahang kontaminado ng ihi ng dagang infected ng bacteria na Leptospira. Ang mga nakakukuha nito ay nagkakalagnat, nagsusuka, at sumasakit ang katawan. Kung hindi agad madadala sa ospital at magagamot ang pasyente, maaaring maapektuhan ang kanyang mga bato, baga, at atay.
Inirekomenda ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa mga local government units (o LGUs) na magpasá ng mga ordinansang magbabawal sa mga taong maglangoy at maglaro sa baha. Ang pagtaas daw ng kaso ng leptospirosis, na umabot na sa puntong maituturing itong epidemya sa ilang siyudad, ay dulot ng “behavioral problem” o problema sa pag-uugali. Mababago raw ito sa pamamagitan ng edukasyon at pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga panganib ng paglusong sa baha.
Kaugnay nito, ipinahayag ng presidente ng Metro Manila Council na si San Juan City Mayor Francis Zamora na plano niyang maglabas ng resolution para udyukan ang mga alkalde ng Metro Manila LGUs na ipagbawal ang paglangoy sa baha. Magkakaroon daw ng awtoridad ang bawat LGU na magpataw ng multa o parusa sa mga lalabag.
Importante ang patuloy na pagpapaalala sa mga tao tungkol sa leptospirosis at sa pag-iwas dito. Pero maling isisi ang paglaganap ng sakit na ito sa “behavioral problem” lamang ng mga lumulusong sa baha. Bigyang-pansin dapat ang ugat nito—ang pagbabaha. Gaya ng nabanggit ko sa isang editoryal noong katapusan ng Hulyo, kailangang magkaroon ng maayos na urban planning, pangalagaan ang mga kabundukang kinakalbo at mga dagat na tinatambakan para pagtayuan ng mga gusali, at ayusin ang mga flood control projects. Kaso, sa kabila ng milyun-milyong badyet na nakalaan sa mga flood control projects, inamin kamakailan ng Department of Public Works and Highways (o DPWH) na wala pa rin itong pangkabuuang plano para solusyunan ang pagbabaha sa bansa. Ang mayroon lamang sila ay mga planong nakabinbin at magkakahiwalay na proyekto.
Mga Kapanalig, sabi sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, pangunahing tungkulin ng pamahalaang protektahan ang karapatan nating mga mamamayan. Isa sa mga karapatang ito ang pagkakaroon ng kapaligirang magbibigay sa atin ng mabuting kalusugan at kaligtasan. Kung walang pagbaha, hindi magiging malaking problema ang leptospirosis. Ibigay sana ng pamahalaan ang nararapat sa mga mamamayan, katulad ng sinasabi sa Roma 13:7. Huwag sanang palabasing kasalanan ng mga tao ang pagdami ng kaso ng leptospirosis. Gawin din dapat ng pamahalaan ang parte nito.
Sumainyo ang katotohanan.