13,979 total views
Binalaan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) ang mamamayan na iwasan ang paglikha ng maling impormasyon hinggil sa mpox (monkeypox) virus.
Ayon kay CBCP-ECHC vice chairman, Military Bishop Oscar Jaime Florencio, ito’y upang hindi magdulot ng pagkabahala sa publiko lalo’t ang kumakalat na virus ay itinuturing ngayon ng World Health Organization bilang global public health emergency.
Sa halip, sinabi ni Bishop Florencio na magtiwala lamang sa mga abiso at payo ng mga dalubhasa, lalo na sa Department of Health (DOH).
“Let’s not make any unnecessary moves or announcements aside from those made by the DOH. Let us trust them. Since this is just the beginning of detection, let us exercise prudence in everything,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Noong August 19, inanunsyo ng DOH ang bagong kaso ng mpox virus sa bansa, ang unang kaso mula noong Disyembre ng nakaraang taon at ika-10 laboratory-confirmed case, kung saan ang pinakaunang kaso ay naiulat noong July 2022.
Ayon sa kagawaran, ang pasyente ay isang 33-taong gulang na lalaking Pilipino na walang anumang travel history sa labas ng Pilipinas, ngunit mayroong close contact tatlong linggo bago lumitaw ang mga sintomas.
Kabilang sa mga sintomas ng virus ay ang pamamantal at mga sugat na may nana, na may kasamang lagnat; pananakit ng ulo, kalamnan, at likod; panghihina ng katawan; at kulani.
Hinikayat naman ni Bishop Florencio ang lahat na mahigpit na sundin at unawain ang mga inilalabas na abiso ng DOH na nagsasaad ng iba’t ibang impormasyon bilang gabay para sa kaligtasan laban sa nakahahawang mpox virus.
“We can prudently prepare ourselves and advise others on what to do. Keep in mind that prevention is always more important than the cure,” saad ni Bishop Florencio.
Hinihiling din ng obispo na magkaisa ang lahat sa pananalangin kay San Roque, patron laban sa mga salot at nakakahawang sakit, upang ipag-adya ang lahat mula sa banta ng bagong virus.
“My prayer is that let us put all our intentions together and ask God to spare us from this virus. Let us also invoke the intercession of St. Roch, the healer, and the saints in Heaven,” dalangin ng obispo.
Ika-14 ng Agosto nang ideklara ng WHO ang mpox bilang global public health emergency matapos magkaroon ng outbreak sa Democratic Republic of Congo.
Bagamat hindi malala, ang mpox virus ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay, lalo na sa mga bata, buntis, at mga taong may mahinang immune system.
Sa kabuuan, umabot na sa higit 38-libo ang kaso ng virus sa 16 African countries mula noong Enero 2022, na may higit 1,400 na ang namatay.