144,079 total views
“Ang Panginoon ay papurihan, at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa” (Awit 103:2)
Mga minamahal kong bayan ng Diyos sa Bikaryato ng Taytay,
Katatapos lang ng halalan. Iba’t iba ang damdamin na naglalaro sa puso natin. Huwag tayong magpadala sa mga damdamin o mga sulsol na magpapabigat ng ating puso. Sa halip na magtanong ng BAKIT PANGINOON? ang itanong natin ay: PANGINOON, ANO NGAYON ANG IPINAPAGAWA MO SA AMIN? Alam po natin na hindi lingid sa ating Diyos ang mga nangyayari sa mundong ito, at siya ay nababahala sa lahat. Kahit anumang mangyari, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos (Rom 8:38). “Sa lahat ng pangyayari tayo’y nakasiguradong magtatagumpay sa pamamagitan ni Kristo na nagmamahal sa atin.” (Rom 8:37)
Maraming mabubuting ginawa ang Diyos sa atin sa halalang ito. Kilalanin natin ang mga ito, ipasalamat sa Kanya, at ipagpatuloy upang hindi masayang. Ipasalamat natin ang maraming nagvolunteer sa halalan. Nandiyan iyong nagvolunteer sa PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting). Hanggang ngayon nagtatrabaho pa sila. Mahalaga ang kanilang papel sa pagsusuri kung maayos ba at makatotohanan ang halalan. Patuloy natin silang ipagdasal at kilalanin ang kabayanihang ginagawa nila.
Marami rin ang nagvolunteer para sa mga kandidato na pinaniniwalaan nila. Tumaas ang antas ng pagkamulat ng marami sa kalagayahan ng ating bansa at marami ay nag-ambag ng kanilang panahon, pagsisikap, pagmamalasakit at yaman para sa ikabubuti ng bayan. Hindi po nababalewala ang mga ito. Ang lahat ng kabutihan ay magbubunga ng kabutihan.
Dito sa mga munisipio ng Northern Palawan, marami akong nababalitaan na mga kandidato na namigay ng pera noong panahon ng kampanya. Pero nakikita na natin sa resulta ng halalan na hindi nagpapadala ang mga tao sa mga perang inaalok at binibigay sa kanila. Mas nagiging matalino na ang mga tao at hindi sila nagpapabili. Hindi nila ipinagbibili ang bayan. Sa susunod na mga halalan sana naman matuto rin ang mga politiko na hindi ang pera ang makapagpapanalo sa kanila kundi ang kanilang pakikiisa at paglilingkod sa taong bayan, may posisyon man sila sa pamahalaan o wala.
Isang nakapagbibigay ng pag-asa sa atin ay ang maraming tao, lalo na ang mga kabataan, na naging mulat sa kanilang pakikilahok sa politika. Ang politika ay hindi marumi. Ito ay isang paraan upang makapaglingkod para sa maayos na pamumuno sa bayan. Kung maayos ang pamumuno, mas lalong maraming mga kababayan na aangat sa buhay. Ipagpatuloy po natin ang ating political engagements, kahit tapos na ang halalan. Subaybayan natin ang gagawin ng mga nahalal. Panagutin natin sila sa tiwala ng taong bayan na lumuklok sa kanila sa kanilang puwesto. Dapat nilang gawin ang kanilang tungkulin nang matuwid. Bantayan natin sila at punahin kung kinakailangan. Ating pera ang ginagamit nila at sila ay pinapasahod natin.
Tapos na ang halalan. Sinusuri pa natin kung ito nga ba ay makatotohanan. Sana isinasalamin nito ang tinig ng bayan. Dahil sa tapos na ang halalan, sikapin na natin na magtulungan para sa ikabubuti ng pangkalahatan. Sana maging patas ang paningin ng mga nanalo na paglingkuran ang mga nangangailangan at hindi lang ang mga bumoto sa kanila. Sila ay lingkod ng lahat at hindi lang ng mga kakampi nila. Sana maging mabuti ang puso ng mga natalo. Makipagtulungan sila sa lahat para sa ikabubuti ng taong bayan. Ibigay nila ang kanilang kooperasyon sa mga namumuno kung wasto naman ang pamumuno ng mga ito.
Sana ang totoong nanalo sa halalang ito ay ang bayang Pilipinas. Patuloy nating ipagdasal at paglingkuran ang Pilipinas. Isa lang ito, at atin ito!
Ang sumasainyo kay Kristo,