216 total views
Ito ang panalangin sa Panginoon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa 54.6-milyong registered voters na maghahalal ng 18-libong national at local leaders sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Pinasasalamatan din ni Cardinal Tagle ang Diyos sa biyaya ng kalayaan sa mga Pilipino at panawagan na makilahok sa paglago ng bansang Pilipinas.
Hinihiling ng Kardinal sa panginoon na sa pamamagitan ng nalalapit na halalan ay hindi sasayangin ng mga Pilipino ang biyaya ng kalayaan at maging mapanuri, maging mapagmahal sa kapakanan ng nakararami lalo ng mga dukha at napapabayaan.
Higit sa lahat, ipinagdarasal ni Cardinal Tagle na ang lahat ng mga botante ay maging responsable sa pagpili ng tunay na lingkod bayan.
Hinihiling din ng Kardinal na ang mga kandidato at mahahalal na mga kinatawan ng bayan ay maging mapanagot sa Diyos at sa bayan.
“Mapagmahal na Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo, Kami po bilang bansang Pilipino ay nagpapasalamat sa inyo sa biyaya ng kalayaan at ang panawagan na kami ay makilahok bilang iyong mga anak sa paglago ng aming bansa. Bagamat kami ay maraming pagkukulang at kahinaan, kami ay iyong pinagkakatiwalaan. Hinihiling po namin na sa pamamagitan ng eleksyon na darating, hindi namin sayangin ang biyayang ito maging mapanuri kami, maging mapagmahal hindi lamang sa sariling interes kundi sa kapakanan ng nakararami lalo na ng mga dukha at napapabayaan. Bilang mga botante kami nawa ay maging responsable at hinihiling namin na ang mga kandidato at ang mahahalal na mga kinatawan ng bayan ay maging mapanagot sa iyo at sa bayan. Lahat ng ito ay hinihiling namin sa iyo o Diyos na kumakalinga sa amin, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.” panalangin ni Cardinal Tagle.