223 total views
Tanging tradisyon at hindi ang nasasaad sa konstitusyon ang malalabag ng nakatakdang hiwalay na inauguration o panunumpa sa katungkulan ng bagong Pangulo at Pangawalang Pangulo ng bansa.
Ayon kay Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director of Institute for Political and Electoral Reform, walang nasasaad sa batas kaugnay ng magkasamang inauguration ng dalawang pinakamataas ng pinuno ng bansa.
Sinabi ni Casiple na ang hiwalay na panunumpa ay nagpapakita nang hindi maayos na komunikasyon at ugnayan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.
Sa ika-30 ng Hunyo, nakatakda ang opisyal na inagurasyon nina Incoming President Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo, kung saan gaganapin sa Malacañang ang panunumpa sa pagkapangulo ni Duterte habang ang inauguration ni Robredo ay sa Quezon City Executive House o ang tinaguriang Boracay mansion.
Ayon sa Incoming Presidential Communications Operations Office, limitado lamang sa 540 panauhin ang makikilahok at dadalo sa panunumpa sa katungkulan ni incoming president Duterte sa Malacañang.
Batay sa kasaysayan ng Pilipinas, kadalasan magkasunod at iisa lamang ang lugar kung saan opisyal na nanunumpa sa katungkulan ang bagong Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa.