225 total views
Kahalagahan ng pagtitipon-tipon na ang layunin ay magnilay at maghintay sa liwanag o biyaya na ibibigay ng Espritu Santo.
Ganito isinalarawan ni Rev. Fr. Jason Laguerta, director for Central Organizing Committee ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) 3 kung bakit mahalaga ang nasabing pagtitipon at ang pakikibahagi dito.
Ayon sa pari, gaya ng nais ng Santo Papa Francisco at ni Manila archbishop Luis Antonio cardinal Tagle, ang PCNE ay platform upang sama-samang magnilay ang mga Katolikong Kristiyano o isang bagong Pentecost para sa mga mananampalataya.
“Ang isa sa pinakalayunin nito ay tinatawag ni cardinal Tagle at ni Pope Francis na encounter, iba kasi yung nagkikita kita, nagkakausap, magkapit-bisig sa damdamin at karanasan ng bawat isa, ang PCNE ay platform para ang mga Kristiyanong Katoliko ay magtitipon at sama-samang magnilay… ang description lagi ni Cardinal Chito (Tagle) is a new Pentecost for us, bagong karanasan ng Pentekoste yung pagtitipon para magnilay at maghintay ng liwanag na ibibigay sa atin ng Espiritu Santo, kailangang alalahanin natin na mahalaga pa rin ang face to face eye to eye contact, kasi ang Pentecost naganap sa isang gathering.” Pahayag ni Fr. Laguerta sa panayam ng Radyo Veritas
Kaugnay nito, ayon pa kay Fr. Laguerta, dahil ngayon ay Jubilee Year of Mercy, tema ng PCNE 3 ay may kinalaman sa awa at habag, “Awa, Unawa, Gawa” The Filipino Experience of Mercy.
Dito, aniya pagninilayan kung paano mararanasan ng bawat Filipino ang awa at kung paano ito ibibigay sa kanyang kaaway at paano ito isasabuhay upang maipadama ang pagmamalasakit sa kapwa.
“Ang tema niya ay yung Jubilee Year of Mercy, ang awa at habag , kaya ang title niya “Awa, Unawa, Gawa” The Filipino Experience of Mercy . Pagninilayan natin kung paano mararanasan ng Filipino yung awa at paano niya ipinapasok ang mundo ng kanyang kapwa ay yun ang unawa at paano niya isinasabuhay ang kanyang awa na hindi lamang sa salita kaya pumapasok din sa gawa, Awa, unawa at gawa yung tatlong dimension na ito ang pagsisikapan natin at pagsisikapan natin mas mapalalim pa, Hindi lamang lamang personal na araw kundi ipaparamdan natin sa ating kapwa, hindi lamang ito damdamin kundi ito ay nanggagaling sa kaibuturan ng ating loon, galing sa sikmura ang awa at yun ay maipapahayag sa pagmamalasakit sa kapwa.” Ayon pa kay Fr. Laguerta.
Sa mga nais magpatala, mag log-on lamang sa www.pcne.com.ph para na rin sa online registration at sa pagbabayad.
Magaganap ang PCNE 3 sa University of Santo Tomas, Manila mula July 15-17, 2016 kung saan pangunahing tagapagsalita si Cardinal Tagle.