244 total views
Ikinalugod ni Apostolic Vicariate to Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Pedro Arigo ang naging talumpati ng kanyang Kabanalan Francisco sa United Nations World Food Programme.
Aniya, patuloy na umiiral ang kaguluhan sa mga bansang matindi ang kagutuman na humahantong na rin sa “genocidal killing” o ang pagkitil ng buhay ng ibang katutubong grupo upang mabuhay at naisasakripisyo na ang pagkain sa mga armas.
“Napakaganda niyang sinabi ng Papa pero very ideal yan kasi sa sitwasyon ngayon na talagang may mga kaguluhan, may mga ethnic group na talagang parang genocide na para bang sila lang may karapatang mabuhay. Talagang patuloy talaga yang kaguluhan, yung paggamit ng mga armas na in the process talagang nasa – sacrifice ang most basic need ang pagkain,”pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Veritas Patrol.
Konektado naman ayon kay Bishop Arigo ang problema sa kagutuman sa problema sa kapayapaan, katarungan at karapatang pantao.
Hangga’t hindi aniya umiiral ang pagbabago ng kalooban at pagkakawang – gawa ay magpapatuloy ang kasakiman at marami pa rin ang mamatay sa kagutuman.
“Kaya yung problema ng hungry connected sa problem ng peace. Yung problema ng peace connected naman sa issue ng justice and respect for human right. Hanggat hindi talaga natuto ang mga tao na magkaroon ng tinatawag nating yung ‘change of heart,’ yung conversion na talagang mamulat sila sa katotohanan… Hanggat hindi umiiral yan ay talagang kailangan ng armas yung ibang tao ginagamit na self – defense para bang fight or perish,” giit pa ni Bishop Arigo sa Radyo Veritas.
Nabatid na batay sa ulat ng UN World Food Program na 795 milyon ng 7.3 bilyong populasyon ng buong mundo, o isa sa bawat siyam ang nakararanas ng matinding kagutuman nitong taong 2014 hanggang 2016.
Nauna na rito ay kinundina ni Pope Francis ang nagpapatuloy na burukrasya ng pagbili ng armas na siyang pumipigil na mai-abot ang sapat na pagkain para sa mga nangangailangan nito. Hinimom rin nito ang Simbahan na makiisa sa kampanyang “Zero Hunger” sa taong 2030.
Kahit anong religion naman ay itinuturo yan, yung karapatan ng tao, paggalang sa dignidad ng tao at ang pagpapairal ng katarungan, yung just and fair na relationship among nations.