2,110 total views
Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamamayan na bigyang halaga ang Salita ng Diyos.
Ito ang paanyaya ni Laoag Bishop Renato Mayugba, Chairperson ng CBCP – Episcopal Commission on Biblical Apostolate sa pagdiriwang ng National Bible Month.
Ayon sa Obispo, ang Salita ng Diyos na nailathala sa bibliya ay gabay sa bawat mananampalataya sa kaganapan ng buhay gayundin ang pundasyon sa matibay na pananampalataya sa Panginoon.
“May I, encourage everybody to make the Word of God a part of your life, a part of your homes; on this sunday of the Word of God it is nice for everybody to highlight the importance of the Word of God sa ating buhay.” pahayag ni Bishop Mayugba sa panayam ng Radio Veritas.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “The Word leads to the Way, the Truth, and the Life,” na hango sa sipi ni San Juan at Propeta Isaiah.
Binigyang diin ni Bishop Mayugba na ang Salita ng Diyos ay daan tungo sa landas ni Hesus na nararapat tangkilikin ng mamamayan lalo ngayong laganap ang fake news at disinformation.
“Ngayong ang buong mundo ay napakaraming fake news and everything…ang pinakatotohanan, the message of truth ay manggagaling sa bibliya sa Salita ng Diyos.” giit ni Bishop Mayugba.
Bukod pa rito ang buhay na walang hanggang ipinangako ng Panginoon sa bawat isa na mas mapagyabong ang paghahanda sa pamamagitan ng pagbabasa at pagninilay sa bibliya.
Kamakailan ay pinangunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization ng Vatican ang word conference kung saan hinimok ang bawat mananampalataya na ugaliin ang pagbabasa ng bibliya.
Taong 1982 nang ideneklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang National Bible Sunday sa huling Linggo ng Nobyembre na inilipat ni dating Pangulong Corazon Aquino sa Enero habang pinagtibay naman ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang lagdaan ang Proclamation No. 124 na nagdideklarang National Bible Day ang huling Lunes ng Enero.