71,554 total views
Inaanyayahan ng Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Manila Cathedral ang lahat ng mananampalataya na ipanalangin ang mga kaluluwa ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa pamamagitan ng espesyal na gawain na tiinaguriang “Prayers for Our Beloved Dead.”
Ayon sa pamunuan ng Katedral, bukas araw-araw hanggang alas-6 ng gabi ang Blessed Souls Chapel kung saan maaaring isulat ng mga mananampalataya ang mga pangalan ng kanilang mga yumao at ilagay sa kahong nakahanda sa altar.
Ang lahat ng mga pangalan ay isasama sa mga Misa ng Katedral bilang panalangin para sa kanilang kaligtasan.
Hinimok din ng pamunuan ng Manila Cathedral ang mga deboto na kumuha ng kopya ng panalanging inihanda ng Simbahan, na maaaring gamitin habang bumibisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa November 1 at 2, bilang tanda ng pananampalataya at pag-asa sa buhay na walang hanggan.
“The Blessed Souls Chapel inside the Manila Cathedral is open until 6:00pm daily. You may write the names of your beloved dead and put it in the box at the altar. Cathedral Masses will be offered for their souls. You can take home the copy of the prayers which you can use as you visit the tombs of the departed this November.” Bahagi ng paanyaya ng Manila Cathedral.
Kaugnay nito, umaasa ang Simbahang Katolika na isabuhay ng bawat mamamayan ang tunay na diwa ng Araw ng mga Banal at mga Namayapa na paggunita sa mga namayapa sa pamamagitan ng pag-aalay ng panalangin para sa ikapapayapa ng mga kaluluwa lalo na sa mga nasa purgatoryo.






