41,919 total views
Hinimok ng EcoWaste Coalition ang publiko na gunitain ang Undas o Kapistahan ng mga Banal at paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay sa paraang ligtas, payak, at makakalikasan, bilang paggalang hindi lamang sa mga yumao kundi pati na rin sa kalikasan.
Ayon kay EcoWaste Zero Waste Campaigner Ochie Tolentino, tuwing Undas karaniwang abala ang mga pamilya sa paglilinis ng puntod, paghahanda ng pagkain, at pag-aalay ng kandila at panalangin para sa mga yumao.
Gayunman, paalala ni Tolentino, dapat maging responsable rin ang bawat isa sa tamang pamamahala ng basura, gayundin ang paggamit ng non-lead paint sa pagpipintura ng mga puntod upang maiwasan ang panganib sa kalusugan.
“Sa paglilinis, kailangan po ang lahat ng mga basura na kanilang malilikom doon sa puntod… lahat dapat iyon ay nalilikom at hindi itatambak kung saan-saan lang at ito po’y bawal sunugin… Dapat po, kung gagamit tayo ng mga pintura para mas ligtas, should be non-lead – yung mga pintura na walang tingga,” ayon kay Tolentino sa panayam sa programang Barangay Simbayanan.
Hinikayat din ng EcoWaste ang mga pamilya na maghanda lamang ng pagkaing kayang ubusin upang maiwasan ang pag-aaksaya.
Iminungkahi ni Tolentino ang paggamit ng reusable containers at water jug o tumbler upang maiwasang lumikha ng basura tulad ng single-use plastics at mga bote ng tubig.
“Kapag ang pagkain po kasi ay nilagay sa mga plastic, ito po ay nahahaluan na po ng kemikal na galing po sa mga plastic,” ayon kay Tolentino.
Sa pag-aalay naman ng kandila, hinihikayat ang paggamit ng non-scented candles at iwasan ang mga plastic holder na maaaring masunog at maglabas ng kemikal.
Mas mainam din, ayon sa grupo, kung ang mga bulaklak na iaalay ay mga buhay na halaman sa paso upang maaari pang alagaan at magamit muli sa susunod na taon.
Samantala, binigyang-diin din ni Tolentino ang pagpapatupad ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, na nagbabawal sa pagkakalat at pagtatambak ng basura.
“Kahit balat ng kendi, may katumbas na multa. Hindi tayo ligtas sa parusa,” babala niya.
Ibinahagi rin ni Tolentino na nagsagawa ang EcoWaste Coalition, kasama ang mga kinatawan ng Miss Earth Philippines, ng maikling programa sa Manila North Cemetery upang hikayatin ang pamunuan ng sementeryo na maglagay ng waste bins na may tamang label sa loob ng lugar.
Tiniyak naman ng grupo ang mas mahigpit na kampanya laban sa paggamit ng single-use plastics, matapos mapansin na karamihan sa mga nagtitinda sa labas ng sementeryo ay gumagamit pa rin ng mga plastic bag dahil ito ang mas abot-kaya at madaling hanapin.
“Sa amin pong adbokasiya, hindi po ‘yung readily available at ‘yung convenience ang aming tinitignan, kundi ‘yung pangmatagalang epekto nito para sa mga tao at sa [mga] susunod na henerasyon,” saad ni Tolentino.
Una nang hinimok ng mga obispo ang mga mananampalataya na ipagdiwang ang Undas nang may kabanalan at pagsasaalang-alang sa kalinisan ng kapaligiran.




