317 total views
Hinimok ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mananampalataya na makiisa sa mga gawaing magpapalago at makatutulong mapalalim ang ugnayan sa Panginoon.
Ayon sa obispo mahalaga ang pagbubuklod buklod ng mamamayan sapagkat ito ang ninanais ng Panginoon.
“Isang magandang pagkakataon na mapayaman natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsisikap na makilala yung ibang pamayanan na lumalago sa iba’t ibang paraan upang matulungan tayo sa isat isa; nawa’y lagi tayong naka-konek at makiisa sapagkat hangarin ng Diyos na magkaisa tayo,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.
Ang mensahe ni Bishop Ongtioco ay kasabay ng diocesan launching ng programang ‘Simbayanan’ na ginanap sa Immaculate Conception Cathedral sa Cubao nitong Mayo 19, 2021.
Paliwanag pa ng Hello Father 911 anchor na tulad sa inilahad sa ebanghelyo mahalagang nakaugnay ang tao sa Diyos bilang puno at maylikha ng sanlibutan.
Sinabi nitong ang mga sanga sa isang puno ay nagtutulungan upang maging malusog tulad ng pamayanan ng Pilipinas na magtutulungan para maging matibay ang simbahan.
Ang ‘Simbayanan’ ay isang programang inilunsad ng Radio Veritas katuwang ang social communications ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at Catholic Media Network stations nationwide na layong isahimpapawd ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya mula sa 86 na mga diyosesis, arkidiyosesis, prelatura at apostolic vicariates sa buong bansa.
Ito ay inisyatibong pakikiisa sa pagdiriwang ng bansa sa 500 Years of Christianity na magbibigay halaga sa Banal na Misa.
Kaugnay dito hinikayat ni Bishop Ongtioco ang mahigit 80-milyong katoliko sa bansa na makiisa sa programa at sa lahat ng gawaing maghuhubog sa pananampalataya ng bawat isa.
“Makiisa sa napakagandang proyektong ito ‘SIMBAYANAN’ samba ng pamayanan, sama-samang makiisa sa napakagandang proyekto upang matagumpay ang ating 500yoc,” ani ng obispo.
Mapakikinggan ang banal na misa ng Simbayanan ganap na alas dose ng tanghali tuwing Miyerkules at Huwebes sa Radio Veritas 846 at sa 53 CMN stations sa buong bansa at mapapanuod sa TV Maria, Radyo Veritas PH at social media pages ng mga simbahan.