Mga Kapanalig, nitong mga nakalipas na linggo, naging laman ng mga balita ang mga reports ng Commission on Audit (o COA) tungkol sa paggamit ng iba’t ibang ahensya sa kani-kanilang budget noong nakaraang taon. Tungkulin ng COA na magsagawa ng audit sa lahat ng pampublikong institusyon—mga ahensya ng pamahalaan, state colleges and universities, government-owned and controlled corporations, at maging mga kapwa nito komisyon. Bilang isang constitutionally mandated na komisyon, ito ay independent at autonomous; ibig sabihin, hindi ito madidiktahan maging ng pangulo at malaya itong isagawa ang mandato nito.
Hindi ikinatuwa ng marami ang reaksyon nina Pangulong Duterte at Health Secretary Francisco Duque III sa report ng COA sa DOH. Nasilip kasi ng COA ang ilang kakulangan ng DOH na sumunod sa mga batas at regulasyon ukol sa paggamit ng 67 bilyong pisong inilaan sa kagawaran. Ayon sa COA, nauwi ang mga ito sa “missed opportunities” o nasayang na pagkakataon para sa ahensiyang pangunahing tumututok sa pandemya.
Binatikos ni Pangulong Duterte ang COA at sinabihan itong huwag ilabas sa publiko ang kanilang mga audit reports. Imposible rin daw na magnakaw si Secretary Duque kaya hindi siya dapat mag-resign. Sa pagdinig naman ng House of Representatives sa mga resulta ng COA reports, dumaing si Secretary Duque na nawawalan na siya at ang mga taga-DOH ng tulog dahil sa report ng COA. Masama rin ang loob niya dahil “winarak” daw ng COA ang dangal ng ahensya.
Kinatigan naman ng mga senador, civil society groups, at netizens sa social media ang COA. Anila, ginagawa lamang ng COA ang mandato nila at mahalaga ito sa pagsusulong ng mabuting pamamahala. Naniniwala rin silang mahalaga ang mga COA reports sa pagkakaroon ng bukás na pamamahala o transparency at ng pagpapanagot o accountability sa panunungkulan.
Sagot naman ng COA, hindi nito layuning siraan ang DOH dahil sa katunayan, marami pang ahensya ang pinapanagot ngayon ng taumbayan dahil sa mga findings ng komisyon. Nariyan ang 160 milyong pisong ginastos ng TESDA para sa task force on counter-insurgency nang walang maayos na panuntunan. Mayroon pang mahigit pitong bilyong pisong inilabas ang DOLE bilang ayuda, ngunit kulang sa ilang internal control measures. Ikinagulat din ng marami ang halos isang milyong pisong gastos ng OWWA para sa hygiene kits, sanitary napkins, at thermal scanners na ipinamigay at ginamit nila noong isang taon sa kasagsagan ng pandemya. Pero ang mas nakapagtataka, binili ang mga ito sa isang construction store sa Pasay na hindi naman matagpuan sa inilathalang address ng OWWA.
Naniniwala ang panlipunang turo ng Simbahan na ang katiwalian ang pinakaseryosong problema sa isang demokratikong pamamahala. Maituturing itong pagtataksil hindi lamang sa panuntunan ng panunungkulan at katarungang panlipunan, ngunit maging sa ating mga morál na prinsipyo. Ang katiwalian ay tahasang pagyurak sa dangal ng mga mamamayang dapat pinaglilingkuran ng mga nasa katungkulan. Ipinagkakait ng katiwalian ang mga serbisyo at karapatang dapat ay nakakamit nila. Tandaan natin ang sinasabi sa 1 Timoteo 6:10, “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan.”
Sa pagganap ng COA sa kanilang mandato, nakakasama natin ito sa ating paglaban sa katiwalian. Ang pagbibigay-atensyon at pagbusisi sa COA reports ay mga hakbang upang mapuksa ang katiwalian sa pamahalaan. Hindi makatarungang tingnan ito bilang pagwarak sa dangal ng alinmang ahensya. Isa itong instrumento sa pagtataguyod ng dignidad ng bawat mamamayang dapat nakakakamit ang de-kalidad na mgaserbisyo.
Mga Kapanalig, sa gitna ng krisis at kahirapang pinagdaraanan ng maraming Pilipino ngayon, mahalagang naitatala ang bawat piso at sentimo sa kaban ng bayan. Nawa’y sa paninindigan ng COA sa mandato nito ay masuportahan natin sila sa pamamagitan ng pagpapanagot sa pamahalaan. Sa huli, tayong lahat ang talo sa katiwalian.






