260 total views
Umaapela si Ozamis Archbishop Martin Jumoad sa mga taga-oposisyon na bigyan muna ng pagkakataon ang umiiral na martial law sa Mindanao.
Ayon kay Archbishop Jumoad sa kasalukuyan ay maganda ang epekto ng batas militar sa kanilang lugar para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at masupil din ang mga illegal na nagdadala ng baril maging ang ilang private army.
“Hindi po, it gives specific as to what the military should do and what the civilian must do also. So mas maganda po ang martial law ngayon compared noon kay President Marcos. Ang pulis at military ay very professional,”pahayag kay Archbishop Jumoad sa panayam ng Radio Veritas.
Bagama’t sang-ayon sa umiiral na martial law, umaasa naman ang arsobispo na kagya’t na tatanggalin ang batas militar sa oras na matapos ang problema ng Mindanao laban sa Maute group.
“Ang particular call ng pangulo in terms of getting the Maute’s, apprehending them, then if it is already accomplished then the president should lift the martial law,” paliwanag pa ni Archbishop Jumoad.
Hinimok naman ni Archbishop Jumoad ang biktima ng karahasan na ibaling sa Panginoon ang kanilang paghihirap.
Ayon sa Arsobispo, walang akmang salita na maaring maitulong para pumanatag ang mga tumatangis na namatayan at mga nahihirapan dahil sa patuloy na digmaan.
“To the people of Marawi I know it is very difficult, mahirap sabihan kayo na magdasal, if we cannot anymore solve our problems, wala na po tayong magagawa pupunta na po tayo sa Maykapal dahil siya ang may kapangyarihan and it will be accepted by people who have faith, by people who believe that there is Almighty and most powerful,”panawagan ni Archbishop Jumoad.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 24 araw ang kaguluhan sa Marawi City at ang pag-iral ng Martial law sa buong Mindanao na ikalawa sa pinakamalaking isla ng bansa na binubuo ng 25 lalawigan at 27 lungsod.
Kaugnay nito, hindi pa rin nawawala ang agam-agam ng mga guro sa Iligan sa posibleng pag-over spill ng kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay Ric Seco ng Iligan National High School at chairman ng Teachers Dignity Coalition (TDC) Region 10, pinapahanda rin sila sa anumang oras posibleng pangyayari.
“Ang advised kasi, magligpit kami ng gamit na madali lang madala kung sakali. So yun ang sitwasyon namin dito 50-50. Fifty percent safe, 50 percent to be attack parang ganun,” ayon kay Seco sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Seco, may mga militar at pulis na nagbabantay sa paligid bukod pa sa security personnel ng paaralan para matiyak ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.
Dagdag pa nito, nagsagawa na rin sila ng briefing sa lahat ng school personnel kung ano ang gagawin at kung saan ang ligtas na lugar na maaring puntahan.
Dahil sa kaguluhan sa Marawi, mahigit na sa 10-libo ang mga estudyante sa Iligan National High School na mayroon lamang na 200 silid aralan at 200 mga guro.
Paliwanag pa ni Seco, ‘crowded’ na ang kanilang paaralan lalo’t hanggang ngayon ay marami pang mga evacuees mula sa Marawi ang nag-eenroll.
Para sa buwan ng Hunyo ngayong taon, pangunahing panalangin at panawagan ng Santo Papa Francisco na wakasan na ang illegal na bentahan ng baril.




