252 total views
Mga Kapanalig, matapos ang halos apat na taóng hospital arrest, nakalaya na nga noong isang linggo ang dating pangulo at ngayo’y kinatawan ng Pampanga sa kongreso na si Gloria Macapagal-Arroyo. Bilang tugon sa apela ng kanyang mga abogado, sinabi ng mas nakararaming miyembro ng Kataas-taasang Hukuman na hindi sapat ang mga ebidensyang magdidiin kay Ginang Arroyo sa kasong pandarambong o plunder, partikular na ang kanyang pangingi-alam di-umano sa paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Gaya ng inaasahan, ikinagalak ito ng mga taga-suporta at kaibigan ni CGMA, dahil sa wakas ay malaya na siya at makapaglilingkod na sa kanyang mga kababayan sa Pampanga. Para sa kanila, “politically motivated” kaya’t hindi makatarungan ang pagpipiit sa kanya sa mahabang panahon. Mayroon namang mga hindi kumbinsido sa naging batayan ng pasya ng Korte Suprema. Para sa mga kumikuwestyon, nagmistulang bulag at bingi ang mga mahistrado sa napakaraming ebidensyang inihain ng opisina ng Ombudsman. Mayroon ding nagsasabing pinaburan lamang ng ilang mahistrado ang kahilingan ng dating pangulo dahil siya ang nagtalaga sa kanila sa Korte Suprema.
Iginagalang po natin ang naging pasya ng Korte Suprema, ngunit kailangang tanggapin nang may pag-iingat hindi lamang ang naging desisyon kundi pati na rin ang iba’t iba at magkakasalungat na opinyon tungkol dito.
Matatandaang may mga katulad na kasong isinampa noon laban sa mga may katungkulan sa pamahalaan ngunit kalaunan ay nakalaya rin. Nariyang may nabigyan ng presidential pardon, at mayroon ding pinayagang makapagpiyansa. (Hindi rin po sila nakulong sa ordinaryong bilangguan.) Tiyak na mayroong ligal na batayan ang pagpapalaya sa mga taong-gobyernong inakusahang nagnakaw sa kaban ng bayan, at marami po sa atin ang hindi naiintindihan ang lahat ng iyon. At ngayon nga, may nakasampa namang kaso laban sa dating Pangulong Noynoy Aquino at ilang kalihim dahil pagpapatupad ng Disbursement Acceleration Program o DAP na may ilang bahaging salungat sa Saligang Batas.
Mga Kapanalig, kung kalakaran na ang pagkakaso at kalauna’y pagpapawalang-sala, hindi kaya’t may mali sa ating sistema ng pagpapanagot sa mga taong sangkot sa katiwalian? Sa kasalukuyang sistemang pangkatarungan, ebidensya ang pangunahing batayan para patunayan kung ang isang tao ay nagkasala, kaya’t kung hindi sapat ang ebidensya, walang karampatang parusang maipapataw. Tama po iyon, ngunit ibang isyu na kung ang mga dapat nagtataguyod ng katotohanan ay hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin, gaya ng hindi pagkalap ng sapat at matibay na ebidensya o kaya naman ay ang lantarang pagkiling ng mga taong dapat maging patas.
Itinuturo sa atin ng Catholic social teaching o CST na ang mga tanggapang may tungkuling alamin at linawin ang pananagutan ng mga akusado ay dapat maging masigasig na hanaping maigi ang katotohanan. Kasabay ng paghahanap ng katotohanan, kailangang napangangalagaan din ang dangal at mga karapatang pantao, kapwa ng nasasakdal at ng nagawan ng pagkakamali.
Bilang isang bayan, paano ba natin pinahahalagahan at itinataguyod ang katotohanan? Itinatago ba natin ito sa ating mga panghuhusga kahit wala pang malinaw na batayan? O baka naman galit at paghihiganti ang nagtutulak sa ating isulong ang pagpaparusa sa isang tao? Sa kabilang banda, mas pinipili ba nating limutin na lamang ang ginawang kasalanan sa halip na papanagutin ang mga taong inuna ang kanilang mga pansariling interes at ang ganid ng mga taong pinagkakautangan nila ng loob?
Mabigat na akusayson ang pagnanakaw sa kaban ng bayan, hindi lamang dahil may perang kinuha, kundi dahil sinisira nito ang kinabukasan ng marami, lalo na ng mahihirap, at dahil winawasak nito ang tiwala ng bayang pinangakuang pagsisilbihan. Dito mahalaga ang papel ng mga institusyong naghahanap at nagtataguyod ng katotohanan. Tayo naman po, mga Kapanalig, bilang mga mamamayan ay may tungkuling ipagtanggol ang katotohanan.
Sumainyo ang katotohanan.