473 total views
Hiniling ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity na isama rin ang mga baldado o may kapansanan na mga bilanggo sa nakatakdang paggawad ng clemency at pagpapalaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nakapiit sa national penitentiary.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, noon pa nila ito ipinanawagan sa Pangulo bilang katugunan na rin sa humanitarian obligation sa mga kaawa – awa at nagdurusang bilanggo.
“Matagal na nating inaantay iyan at dapat ginawa na noon pa iyan for humanitarian reasons. At hindi lang yung 80 years old pataas ngunit yung mga baldado nang bilanggo ay dapat palayain na. Makauwi na sa kanilang pamilya at ganundin ang mga bilangguan ay ma-decongest.” Giit ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Kinilala at ipinagpasalamat naman ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang hakbanging ito ng Pangulong Duterte lalo’t pagpapakita ito ng pagmamalasakit sa mga matagal ng nakapiit at nakapagsisi na sa kanilang nagawang kasalanan.
“Kung ito ay matutupad tayo ay nagpapasalamat sa ating mahal na pangulo at ating binibigyang pagpapahalaga, pagpaparangal ang kaniyang gagawing pagpapalaya ng mga bilanggo. Bilanggo na kung saan lalo na yung matatanda na at matagal ng naghirap, nagpakasakit sa bilangguan. At kung ito ay matutupad maraming, maraming salamat sa ating mahal na pangulo.” bahagi ng pahayag ng Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Inaasahan namang sa Lunes lalagdaan ni Pangulong Duterte ang kautusan para sa pagpapalaya ng 127 matatanda at may sakit na bilanggo mula sa New Bilibid Prison at Correctional Institution for Women na nasa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Corrections.
Samantala, ang rekomendasyong ito ng Department of Justice ay bilang pagsunod na rin sa pangako ng Pangulo na pagpapalaya sa mga inmate na may edad 80-anyos pataas at mga bilanggong nakapagsilbi na ng nasa 40 taong sintensiya.