388 total views
Mayorya sa mamamayang Filipino ang tutol sa nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo bilang pangalawang pangulo sa National and Local Elections sa 2022.
Batay sa resulta ng Veritas Truth Survey, lumabas na 72 porsyento sa 1, 200 respondents sa bansa ang nagpahayag ng pagtutol sa binabalak ng Pangulong Duterte sa kabila ng pag endorso ng kinabibilangang partido.
Sa nasabing text-based at online data gathering survey na may +/- 3% margin of error, lumabas din na 25 porsyento ang pabor sa pagtakbo ng punong ehekutibo sa ikawalang pinakamataas na posisyon sa bansa habang tatlong porsyento naman ang undecided.
Una nang nanindigan si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na hindi naangkop sa anumang posisyon sa pamahalaan si Pangulong Duterte dahil sa ipinamalas nitong uri ng pamumuno sa bansa sa nakalipas na limang taon.
Bagamat kinilala ni Bishop Bacani ang ilan sa magandang nagawa ng administrasyong Duterte higit naman itong natabunan ng mga maling polisiya at pagkabigong maging disenteng pinuno ng bansa na nagtataguyod sa kapakanan at pantay na karapatan ng bawat mamamayan.
Isinagawa naman ang Veritas Truth Survey sa pagitan ng July 3 hanggang September 3 kung saan nitong September 2 lamang ay inilunsad ng Radio Veritas ang ‘One Godly Vote’campaign na layong kilatisin ang bawat kandidatong lalahok sa halalan sa susunod na taon.
Layunin ng kampanya ng himpilan na palawakin at palakasin ang voters education upang mabuksan ang kamalayan ng mahigit 60 milyong botante sa bansa sa matalinong pagpili ng mga susunod na lider ng bayan.
RELATED STORIES:
Kandidatura sa pagka-bise presidente ng Pangulong Duterte, isang kahihiyan sa bansa