160 total views
Hinimok ng Obispo ng Mindanao ang mamamayang Filipino na suportahan ang paglaban ng pamahalaan sa laganap na illegal drug trade sa bansa.
Inihayag ni Iligan Bishop Elenito Galido na maging sa buong Mindanao ay napakalaki ang problema sa paggamit at bilihan ng illegal na droga.
Bagama’t tagumpay ang war on drugs campaign ng pamahalaan, nanawagan si Bishop Galido sa sambayanang Filipino na bantayan at tiyaking sumusunod ang iba’t-ibang law enforcement agencies sa tamang proseso kung saan isinaalang-alang ang dignidad, dangal at karapatang pantao sa kanilang operasyon.
Iginiit din ng Obispo sa pamahalaan na ipatupad ang tamang imbestigasyon sa lahat ng illegal drug case at parusahan ang mga drug lord hindi lamang ang mga nalulong sa paggamit nito.
“Paglaban sa proliferation of drugs, yun ang programang dapat talagang suportahan. Subalit kailangan doon na mabuti at good way at tsaka good process para naman mabigyan ng respeto ang buhay ng tao. Kailangan talaga yung gagawing investigation and at the same time also yung strict na pag follow up at paghanap ng mga drug lords. Hindi lang mga pushers at users na madaling nabiktima na isinangkot sa problema,”pahayag ni Bishop Galido sa Radio Veritas.
Nabatid mula sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na talamak ang droga sa 8-libong barangay sa buong bansa.
Naitala din sa Davao region na 17,211 mga drug users ang sumuko sa mga otoridad sa loob lamang ng 10-araw.
Naunang kinondena ng iba’t-ibang lider ng Simbahang Katolika ang tumaas na bilang ng extra-judicial killings sa war on drugs ng Duterte administration.
See: http://www.veritas846.ph/tumaas-na-bilang-ng-vigilantism-sa-war-drugs-kinondena/