68,321 total views
Mga Kapanalig, isang halalan na naman ang nairaos natin. Ikinatuwa o ikinadismaya man natin ang resulta, paano kaya tayo maaaring umusad pagkatapos nito? Heto ang tatlong mungkahi.
Una, tingnan natin ang ating kapaligiran. Sangkatutak na kalat at basura ang iniwan ng halalan—tarpaulins, pamphlets, at mga pamaypay na may mukha, numero, at pangalan ng mga kandidato. Ayon sa Ecowaste Coalition, isang environment watchdog, kasabay ng kampanya ang tone-toneladang basura. Noong 2016 national elections, nasa 206 na toneladang basura ang nilikha natin. Bahagyang bumaba ito sa 200 tonelada noong 2019 midterm elections. Noong 2022 national elections, lumobo ito ng halos 20% o 254 na toneladang basura.
Kaya naman, ang unang dapat nating gawin ay siguruhing maayos na madi-dispose ang mga campaign materials sa ating lugar. Kung posible, papanagutin natin ang mga kandidato at ang kanilang mga tagasuportang nagpakalat ng mga ito. Kailangan nating maging malikhain at i-repurpose ang mga ito. Halimbawa, maaaring gawing bag at trapal ang mga tarpaulin na ‘di nabubulok. Siguruhin nating hindi mauuwi ang mga ito sa kanal na magdudulot naman ng pagbaha. Hindi rin dapat sunugin ang mga basura dahil polusyon naman sa hangin ang resulta nito.
Pangalawa, nanalo man o hindi ang ating manok, hindi pa tapos ang tungkulin nila sa atin ngayong halalan. Bahagi ng pagsigurong may transparency ang ating halalan ay ang pagpapása sa COMELEC ng mga kandidato ng Statement of Contributions and Expenditures (o SOCE). Nilalaman ng SOCE ang detalye ng lahat ng perang ginastos ng kandidato pati na rin ang tinanggap niyang kontribusyon sa kanyang kampanya. Hunyo 11 ang huling araw ng pagpapása ng SOCE.
Siguruhin nating magsusumite ang ating mga kandidato ng SOCE at, kung may panahon tayo, silipin at pag-aralan natin ang dokumentong ito. Ayon sa COMELEC, mahalagang tingnan ng publiko ang SOCE upang malaman kung tama o kulang ang ini-report ng kandidato. Maaaring ma-disqualify ang mga kandidatong mabibigong magbigay ng kumpletong SOCE kahit pa nanalo sila. Tandaan po natin: ang pagiging matapat ay pundasyon ng mabuting pamamahala.
Panghuli, hindi natatapos sa halalan ang tungkulin natin sa bayan. Ayon sa survey ng Philippine Observatory on Democracy, apat sa sampung Pilipino na naninirahan sa mga siyudad ang hindi sumasali sa mga pagpupulong na ipinatatawag ng kanilang LGU gaya ng munisipyo at barangay. Tatlo lang sa sampung sumagot sa survey ang nagsabing hindi nila ramdam na kabahagi sila ng kanilang komunidad at kasali sa mga gawain dito. Sa madaling salita, maraming aktibo lamang sa pulitika tuwing eleksyon.
Kaya naman, dapat nating makita ang pakikilahok sa pulitika bilang bahagi ng ating buhay. Dumalo tayo sa mga barangay assembly at bantayan ang social media page at mga anunsyo ng ating mga LGU. Makialam tayo sa pamamahala ng ating lungsod o munisipyo. Papanagutin natin ang mga nanalong kandidato sa kanilang mga ipinangako noong kampanya.
Kinikilala sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang eleksyon bilang isang anyo ng “social control.” Sa pamamagitan nito, lalo na ng isang malaya at malinis na halalan, nabibigyan tayo ng pagkakataong pumili at magpalit ng mga lider. Ibig sabihin, ibinabalik ng eleksyon ang kapangyarihan sa taumbayan.
Mga Kapanalig, natuwa o nadismaya man tayo sa resulta ng katatapos lamang na hahalan, sa huli, sama-sama maaapektuhan ng anumang magiging bunga nito. Mula sa basurang iniwan ng kampanya hanggang sa kalidad ng mga lider at ng kanilang pamamahala, haharapin natin ang mga ito. Katulad ng sinasabi sa 1 Corinto 12:12, “bagamat marami ay iisang katawan” tayo. Tunay na maibabalik ng eleksyon ang kapangyarihan sa taumbayan kung itutulak tayo nitong sama-samang humakbang o kumilos pasulong, hindi paatras.
Sumainyo ang katotohanan.