376 total views
Bayaning matuturing ang mga magsasaka sa ating bayan. Sa kanilang pagod nagmumula ang katiyakan ng pagkain sa ating lipunan. Sa kanilang pawis tumutubo ang mga pananim na bumubuhay sa mga mamamayan. Sa kabila ng kanilang paghihirap, hindi kinikilala ng lipunan ang serbisyong inaalay nila sa bayan. Sila ay lagi na lamang maralitang manlulupa, hindi napapansin ng bayan.
Tinatayang umaabot sa mahigit 5.5 million ang mga farmers sa ating bansa. Bago pa man magpandemya, hirap na ang marami sa kanila. Habang lumilipas kasi ang panahon, nawawala na ang pokus ng lipunan sa agricultural sector. Makikita ito sa pag-iba ng source of income ng maraming mga kabahayan natin – non-farm income na ngayon ang nauuna kaysa sa pagsasaka. Dahil na rin sa mabilis na urbanisasyon, lumiliit na at nababawasan ang mga lupang sakahan ng ating mga kababayan. Ayon nga isang pag-aaral mula sa World Bank, ang average farm size noong mga 1960s ay 3.6 hectares. Naging 1.3 hectares na lamang ito noong 2012.
Hirap sa mga hamon na ito ang karaniwang magsasakang Filipino. Ito ay mga pagsubok na dulot ng pagbabago sa ating lipunan, mga pagbabagong kailangan natin tiyakin na hindi papatay sa pagsasaka – ang kinabubuhay ng napakaraming mga Filipino.
Hindi lamang sila mga numero o statistiko na ating binibilang. Sila ay tao, may angking dangal at malaki ang ambag hindi lamang sa ekonomiya ng bansa, kundi sa buhay ng bawat isa sa atin. Dama nating lahat ang kakulangan sa sapat na pagkain at nutrisyon kung sila ay mawawala. Dapat nating kilalanin ang Filipinong magsasaka.
Kapanalig, ang Filipinong magsasaka ay karaniwang mga lalake, at nasa late 40s na ang edad. Marami sa kanila ay nakatapos ng high school, at mga 53% ang nakatapos ng primary school. Karamihan sa kanila ay mahirap-nasa 31.6% ang poverty incidence sa kanilang hanay. Taon taon, ang mga magsasaka ay lagi na lamang nabibilang sa poorest of the poor ng bayan. Dapat ng mabago ito.
Ayon sa Gaudium et Spes, walang puwang ang karalitaang nagnanakaw ng dignidad ng tao sa isang lipunang nanalig sa Panginoon. Kung tunay tayong mga Kristyanong bansa, bakit nga ba lalong naghihirap ang mga maralita gaya ng ating mga bayaning magsasaka? Ang mga kataga mula sa “A Place at the Table” ng mga US Catholics Bishops ay pumukaw sana sa ating mga puso- “Farmers in this country and around the world need living wages; access to health care; vacation time and family and medical leave; a voice and real participation in the workplace; and the prospect of a decent retirement. Work must be an escape from poverty, not another version of it.”
Sumainyo ang Katotohanan.