453 total views
Nakasalalay sa pahintulot ng National Housing Authority ang planong pabahay para sa mga nagsilikas na residente mula sa Taal volcano island na idineklarang permanent danger zone.
Ibinahagi ni Lipa Archdiocesan Social Action Director Fr. Jayson Siapco sa Radio Veritas na wala pang malinaw na desisyon ang Local Government Units ng Batangas sa pagtatayo ng permanenteng tirahan para sa mga nagsilikas na residente.
“Pagdating sa usapin na iyan, wala pang malinaw. I personally was asking the municipal mayors, ang sinasabi lang nila meron silang plano at ang plano ng pagpapabahay ay nakadepende sa approval ng NHA,” pahayag ni Fr. Siapco sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi naman ng Pari na ang Archdiocese of Lipa ay nakapagpatayo na ng 45-pabahay at nakapagkaloob ng shelter assistance sa 205 apektadong pamilya.
Inihayag ni Fr. Siapco na nais ng Arkidiyosesis na makapagpatayo ng karagdagang pabahay ngunit hindi muna ito pinahintulutan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) dahil lubhang mapanganib sa kasalukuyan.
“We wanted to have a full blast construction of the houses. May pondo tayo. Right now we can openly say hindi natin ito ma-i-full blast kasi it is also coming from PHIVOLCS. They were telling [to] do not implement your rehabilitation plan on a full blast basis yet. Kasi nga ang ating Taal volcano ay hindi pa tahimik,” ayon kay Fr. Siapco.
Sa kabila nito ay patuloy naman ang Arkidiyosesis sa pagsasagawa ng shelter assistance and rehabilitation program upang matulungan ang mga evacuees na nasa mga evacuation center.
Batay sa huling ulat ng PHIVOLCS sa nakalipas na 24-oras ay nakapagtala ng 42 na pagyanig sa paligid ng bulkang Taal.
Dahil dito ay nakataas pa rin sa alert level 2 ang bulkan at mahigpit pa ring ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa Permanent Danger Zone.