427 total views
Nanawagan si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan at bawat mamamayan ng sama-samang pagtugon sa suliranin ng kahirapan sa bansa.
Ayon sa Obispo, bukod sa pagiging tungkulin ng bawat may kapangyarihan na tugunan ang kahirapan ay mahalaga ang pagtutulungan ng bawat mamamayan para alalayan ang kapwa.
“Poverty is the great enemy we have to face as a country. I hope all the politicians are serious to combat this,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ikanalungkot naman ng Obispo ang patuloy na pagggamit at pagbili ng malalaking korporasyon sa mga likas na yaman ng Pilipinas.
Ito ay dahil bukod sa pagiging mapanira ng gawain sa kalikasan, ay nagiging paraan ito upang magamit ng malalaking kompanya ang mga ‘natural resources’ upang kumita para sa kanilang sariling interes.
“The Phils has a lot of resources but these are not equitably shared. Because of this there are many poor people. Let the government make policies that help the poor,” ayon pa sa ipinadalang mensahe ni Bishop Pabillo.
Ang pahayag ng Obispo ay matapos maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa mahigit 20-milyon ang bilang ng mahihirap sa Pilipinas sa nakalipas na tatlong taon.
Ayon sa PSA, ang pagtaas ng 18.1% mula sa naunang 17.67-milyong mahihirap noong 2018 ay bunsod ng mga suliraning idinulot ng pandemya sa trabaho, negosyo at kabuhayan ng mga mamamayan.
Naging panawagan ni Pope Francis noong 2021 sa paggunita ng World Day of the Poor na may Temang ‘The Poor will always have with you’ ang patuloy na pakikiisa ng buong mundo sa mga mahihirap.