194 total views
Kapanalig, ang sakit at aksidente ay dalawa sa mga pinakaka-iwasang problema ng pamilya. Ang mga ito ay hindi lamang parusa sa katawan, ito rin ay malaking “burden” o problema sa kabahayan.
Ang sakit kasi kapanalig, ay bumabawas hindi lamang sa lakas ng biktima nito, kundi ng buong pamilya. Kung ang breadwinner ang nabiktima, ang buong pamilya ay mas lalong hirap dahil mawawalan ng kita ang buong tahanan. Kapag ang sakit ay humantong sa kamatayan, hindi lamang pighati ang dala nito sa pamilya, kundi karalitaan.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang ischemic heart disease at stroke ang mga pangunahing dahilan ng kamatayan sa buong mundo. Sa 56.4 million na bilang ng kamatayan sa buong mundo noong 2016, 15 million dito ay mula sa ischemic heart disease at stroke. Ang mga aksidente din, gaya ng car crashes, ay isa sa pangunahing dahilan ng kamatayan. Sa ating bansa, ang mga car crashes o road accidents ay panglima sa mga pangunahing dahilan ng kamatayan.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), mahigit pa sa limang tao kada isang libong tao ang namatay sa ating bansa noong 2013. Katumbas ito ng 531,280 registered deaths kada taon. 57% dito ay lalake. Ayon pa sa ahensya, mahigit pa sa isa kada limang kamatayan ay dahil sa sakit sa puso, kaya nga’t ito ang number one cause of death sa atin. 22.3% ng lahat ng kamatayan sa bansa ay mula sa sakit na ito, at 56% nito ay mga lalake.
Kapanalig, ang mga dahilan na ito ng kamatayan ay bunsod na rin ng ating lifestyle o uri ng buhay ngayon. Ang economic growth at ang urbanisasyon ay nagdulot hindi lamang ng additional na income o kita, nagdulot din ito ng accessibility sa mga pagkaing hindi nakakabuti sa atin, sa mga gadgets at trabaho na bumabawas ng ating mobility, at ng mas maraming mga aksidente sa kalye.
Kapanalig, healthy lifestyle ang ating dapat isulong ngayon. Hindi lamang dahil ito ay masasabi nating uso, kundi dahil ito ay matinding pangangailangan na ng ating panahon. Ang mga sakit at aksidente na ating nararanasan ay may mga dahilan an kaya nating bigyan ng tugon. Ang mga tugon na ito ay magmumula na rin mismo sa ating mga sarili.
Ang pag-aalaga ng ating kalusugan ay hindi makasarili. Ito ay pagmamahal din sa ating pamilya at kapwa. Ang sarili, pamilya, at ang lipunan ay magkaka-ugnay. Kapag inaalagaan mo ang isa, naalagaan mo na rin ang lahat. Ayon nga sa Gaudium et Spes: “The well-being of the individual person and of both human and Christian society is closely bound up with the healthy state of the community of marriage and the family.”
Sumainyo ang Katotohanan!