Mga Kapanalig, para kay Pangulong Bongbong Marcos Jr, kilalang-kilala raw tayo sa buong mundo dahil sa pagsusulong natin ng renewable energy. Sa kanyang State of the Nation Address, ipinagmalaki niyang dumarami ang mga bagong planta ng kuryente sa buong bansa, lalo na ang mga gumagamit ng malinis na enerhiya katulad ng solar, wind, at natural gas.
Pero paalala ng grupong Climate Reality Project, hindi malinis na enerhiya ang liquefied natural gas (o LNG). Fossil fuel pa rin daw ito na kapag pinoproseso ay nagbubuga ng greenhouse gases na sanhi ng global warming at climate change. Ang nakababahala pa, wala naman tayong sariling pinagkukunan ng LNG kaya kailangan nating iangkat ito. Noong 2023, dalawang LNG import terminals na ang nag-umpisang mag-operate sa Batangas, malapit sa Verde Island Pass. Bawat shipment ng LNG ay nagkakahalaga ng 45 milyong dolyar. Gaya raw ng fossil fuels, ipinapasa ang gastos sa shipment sa mga konsyumer sa pamamagitan ng automatic fuel pass-through sa mga kontrata ng kuryente. Sa madaling salita, ang LNG ay marumi at mahal!
Kaya nakadidismaya na sa taóng ito, pinirmahan ni PBBM ang Republic Act No. 12120 o ang Philippine Natural Gas Industry Development Act. Dinideklara nitong “safe, efficient, and indispensable” ang natural gas para daw makamit natin ang seguridad sa enerhiya. Tinawag itong “greenwashing” o pagpapanggap na mabuti sa kalikasan ng Climate Reality Project. Sa halip na LNG, mas mainam daw kung gagamit tayo ng mga totoong renewable energy sources katulad ng geothermal, solar, at wind.
Pero paalala ng mga environment advocates, siguruhin nating maayos at makatarungan ang paglipat natin sa renewable energy sources. Nariyan kasi ang mga usapin ng land conflict, gaya sa Masungi Georeserve sa Rizal na planong pagtayuan ng wind turbines. Manganganib naman ang kabuhayan ng halos walong libong maliliit na mangingisda sa Lawa ng Laguna kung itutuloy ang ekta-ektaryang floating solar project doon.
Malaking isyu rin ang mining sa Palawan, ang tinaguriang “last ecological frontier” ng bansa dahil sa saganang likas-yaman ng isla. May malaking deposito raw ng nickel sa Palawan na kailangan sa paggawa ng mga electric vehicles. Ang Pilipinas nga ay pangalawa sa pinakamalaking producers at pinamalaking exporters ng nickel sa buong mundo. Isa ang nickel sa mga tinatawag na critical minerals na kailangan sa paglinang ng mga renewable energy technologies. Sa loob ng limang taon, inaasahang magiging triple ang demand sa nickel sa buong mundo. Hindi raw ito dapat palampasin ng Pilipinas, kaya asahan nating darami ang mga minahan ng nickel sa bansa.
Nasa gitna tayo ng mga sangandaan patungkol sa enerhiya: sangandaan sa pagitan ng marumi at malinis na enerhiya, sangandaan sa pagitan ng paglipat sa malinis na enerhiya at pagsasakripisyo sa mga komunidad at mga likas-yaman.
Sa ating pagpili kung aling daan ang ating tatahakin, tandaan natin ang turo ng Simbahan—kabutihang panlahat o common good ang layunin ng isang pamahalaang iginagalang ang kalikasan. Nanawagan ang ating Simbahan sa pamahalaan, mga eksperto, at mga komunidad na maging malikhain pagdating sa kumplikadong usapin tungkol sa enerhiya. Mabigat ang tungkulin ng pamahalaang itaguyod ang karangalan ng kalikasan sa usapin ng enerhiya at kaunlaran.
Mga Kapanalig, kaimpokritahan ang sabihing pinahahalagahan natin ang renewable energy gayong promotór tayo ng maruruming energy sources. Sa pagtungo natin sa totoong malilinis na energy sources, maging makatarungan din dapat tayo. Ibig sabihin, siguruhin nating walang naisasantabing sektor at walang nasisirang mga likas-yaman. Piliin natin ang tamang daan sa bawat sangandaan sa usapin ng enerhiya. Sa huli, hindi naman sa atin ang mundo. Wika nga sa Mga Awit 24:1, “ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito.” Tayo’y mga tagapangalaga lamang.
Sumainyo ang katotohanan.






