Kapanalig, matagal na nating nakasanayan na ang mga mamamayan sa ating bansa ay karaniwang nagpupunta sa mga syudad upang maghanap ng trabaho. Sa isang pag-aaral ng UP Population Institute, nakita na ang mga economic needs ng mga mamamayan, partikular na ang trabaho, ang pangunahing rason ng internal na migrasyon sa ating bayan.
Ayon sa pag-aaral na ito, mas maraming female migrants sa loob ng bansa kaysa lalake, pero mas madalas naman lumipat ang mga lalake. Ang kanilang karaniwang mga edad ay 25 to 59. At siyempre, sa mga syudad sila nagpupunta, kung saan may trabaho.
Kaya ang ating mga syudad, lalo na ang Metro Manila pati na ang mga kasama sa NCR+, ay masikip na. Sa Metro Manila, tinatayang nasa 12 milyon hanggang 15 milyon ang populasyon. Bago ang pandemya, grabe ang traffic hanggang umabot sa punto na halos P3.5 bilyon na nawawala sa bayan kada araw. Sa sikip, kalat, at maling pagplano, kapag umuulan, baha agad. At ang pinaka-masaklap, sa pagdami ng populasyon, dumadami din ang walang permanenteng tirahan. Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, tinatayang nasa 37 percent ng populasyon ng mega-city ay nakatira sa mga informal settlements.
Pabahay nga ang isa sa naging malaking problema ng maraming Filipinong napadpad sa Metro Manila dahil sa trabaho. Ayon sa Habitat for Humanity, apat sa sampung Filipino ang walang disenteng bahay na matitirhan. At sa dami nito, hirap ang bansa na ihabol ang housing backlog, na tinatatayang nasa 6.5 milyon.
Kapanalig, malaking problema ito na maaring lumaki pa kung ating pababayaan. Kailagan ng malawakang aksyon, hindi lamang mula sa gobyerno, ngunit sa ating lahat upang matugunan ito. Ang problema ng migrasyon, trabaho, at pabahay ay sanga-sanga at magkaka-ugnay. Ang pagresolba ng isa lamang sa kanila ay hindi sasapat.
Ayon sa Rerum Novarum, “Ang tunay na katarungan ay ang pag-aaruga sa interes ng mga “working class” upang maramdaman naman nila ang bunga ng kanilang ambag sa lipunan – gaya ng pabahay, pananamit at kalusugan.
Ang panahon ng pandemya ay isang malaking oportunidad upang magawa natin ito. Ito ay “golden moment” upang masuri natin ang ating patterns of migration at makita kung paano ba natin mabibigyan ito ng tamang interbensyon. Nakita naman natin na ang trabaho ay hindi laging kelangang Manila-centric hindi ba, lalo’t marami na ang working from home ngayon. Ang mga pagbabagong ito ay malaki ang epekto sa ating lokasyon at mga plano sa darating na mga taon. Malaki ang epekto nito sa migrasyon, trabaho, at pabahay. Sana makita ito ng nasa poder at ng pribadong sektor, upang angkop ang magiging mga solusyon.
Sumainyo ang Katotohanan.






