361 total views
Malaki ang misyon na iniwan ni Hesus para sa mga Kristiyano.
Ito ang pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa panibagong paksa ng paghahanda ng Simbahang Katolika para sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon sa Obispo, ang “Year of Missio Ad Gentes” na paksa ng huling taong paghahanda para sa ika-limang sentenaryo ng Kristiyanismo ay isang paalala sa misyon bilang Kristiyano ng mga Filipino na palaganapin at ibahagi ang Kristyanismo sa mga hindi pa Kristiyano.
“Sinisimulan na po natin ngayon ang Year of Missio Ad Gentes, ito po’y ika-huling taon ng siyam na taong ating paghahanda sa 500 years of Christianity sa Pilipinas. Kaya ito pong Missio Ad Gentes ay nagpapaalala-ala sa atin ng misyon natin sa Pilipinas na ipaabot natin ang pagka-Kristyano sa ibang mga bansa. Ang ibig sabihin ng Ad Gentes ay sa mga hindi pa Kristyano at tayo po ay napapaikutan ng maraming mga bansa na hindi pa Kristyano…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni Bishop Pabillo na sa pitong (7)bilyong tao sa buong mundo ay tanging dalawang (2) bilyon pa lamang ang mga Kristiyano.
Sinabi ng Obispo na ito ay malaking hamon na mas higit na paigtingin ng mga Kristiyano ang misyon na palaganapin ang Kristiyanismo at Salita ng Diyos sa mga hindi pa nanampalataya.
“Sa ating mundo ngayon sa pitong bilyon na mga tao sa mundo dalawang bilyon lang ang Kristyano, limang bilyon pa ang hindi Kristyano kaya malaki pa ang misyon na iniwan sa atin ni Hesus kasi sinabi ni Hesus sa atin, ipalaganap ninyo sa buong mundo ang pananampalatayang ito, ang kaligtasan ni Hesus ay para sa lahat, sana naman maabot din sila ng balita ng kaligtasan…” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Binigyang diin naman ng Obispo na mahalaga ang suporta at panalangin ng lahat upang higit na mas maging epektibo ang pagsusumikap ng mga misyunero na ipalaganap ang Mabuting Balita ng Diyos para sa sangkatauhan.
Umaasa din si Bishop Pabillo na dumami pa ang mga kabataan na maging misyunero at pagtuunan ng pansin ang pagbabahagi ng biyaya ng pananampalataya at kaligtasan para sa kapwa.
“sana yung mga kabataan natin hikayatin natin na maging misyunero. We are gifted ng pananampalataya in order to give, in order to share with the others…” Ayon pa kay Bishop Pabillo.
Tema ng Year of Missio Ad Gentes ang ‘Gifted to Give’ na naaangkop na paksa upang higit na maihanda ang mga mananampalataya sa paggunita ng ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Taong 2013 nang sinimulan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang siyam na taong ‘spiritual journey’ o paghahanda para sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas sa pamamagitan ng iba’t-ibang paksa na nakabatay sa mga aspekto ng Kristyanismo.