1,982 total views
Mga Kapanalig, ilang oras ang nasasayang ninyo tuwing naiipit kayo sa matinding trapik?
Ayon sa TomTom Traffic Index, umabot sa 143 hours—o katumbas ng halos anim na araw—ang nasayang sa matinding trapik ng mga motorista at commuters sa Metro Manila noong nakaraang taon. Sa Davao City naman, umabot sa 168 hours ang nawala sa mga motorista at commuters dahil sa masikip na trapik noong 2025.
Taun-taon, sinusuri ng TomTom Traffic Index ang traffic congestion o sikip ng trapiko sa kalunsuran sa iba’t ibang lungsod. Sa datos nito, ang Metro Manila ay may average congestion level na 57%, samantalang 66% naman ang sa Davao City. Sinusukat ng congestion level ang dagdag na oras sa biyahe dulot ng trapiko tuwing rush hour kumpara sa haba ng biyahe kapag free-flowing ito o walang trapiko. Halimbawa, kung ang karaniwang biyahe sa Metro Manila kapag walang trapiko ay 30 minuto lang, umaabot ito nang halos 50 minuto sa rush hour. Noong Disyembre, sa kasagsagan ng holiday rush, naitala naman ang pinakama-trapik na araw sa Metro Manila kung saan umabot sa 88% ang congestion level.
Batay naman sa rankings ng TomTom Traffic Index, ang Pilipinas daw ang pinakama-trapik na bansa sa Asya. Sa buong mundo naman, nasa ikalawang puwesto ng traffic rankings ang Pilipinas, kasama ng Malta, na may average congestion level na 45%. Paglilinaw lang, hindi lahat ng bansa ay naisama sa pagsusuri, gaya ng China at Russia. Gayunpaman, malinaw ang mensahe nito: may krisis tayo sa transportasyon.
Noong Disyembre, nagsagawa ng walk inspection sa EDSA ang mga kalihim ng Department of Public Works and Highways (o DPWH) at Department of Transportation (o DOTR). Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, kaawa-awa ang sitwasyon ng mga commuters at pedestrians na tila nakikipagdigma araw-araw sa dami ng mga sagabal sa daan at banta ng disgrasya dulot ng mga sasakyan, kabilang ang mga motorsiklo. Aniya, ang problema sa EDSA ay ang pagiging car-centric nito. Kamakailan naman, nagbisikleta si MMDA General Manager Nicolas Torre patungong opisina upang makita ang kalagayan ng mga bike lanes. Kung inyong matatandaan, iniutos ni DOTR Secretary Giovanni Lopez sa mga matataas na opisyal ng ahensya na gumamit ng pampublikong transportasyon isang beses kada linggo upang higit nilang maintindihan ang araw-araw na kalbaryo ng mga commuters.
Aprub sa atin ang mga hakbang na ito mula sa mga opisyales ng gobyerno. Kung tutuusin, common sense ito at dapat regular na ginagawa ng mga lingkod-bayan. Paano sila makakagawa ng patakarang pabor sa ordinaryong mamamayan kung nakaupo sila sa komportable at de-aircon na mga kotse? Sana hindi pakitang-tao lamang ang pagsakay nila sa tren o pagbibisikleta. Magbunga sana ang mga ito ng malalim na pagbabago sa kasalukuyang car-centric na sistema ng transportasyon natin. Wika nga sa Catholic social teaching na Laudato Si’, ang kalidad ng buhay sa kalunsuran ay may malaking kinalaman sa sistema ng transportasyon na kadalasang nagdudulot ng kalbaryo sa mga mananakay.
Mga Kapanalig, gaya ng paalala sa Marcos 10:42-45, “ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat” sapagkat sila ay nakaupo sa poder “hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod.” Sa lipunang inuuna ang interes ng mga mayayaman at makapangyarihan, hindi lang pera ang ninanakaw at winawaldas. Pati oras natin ay sinasayang—mahalagang oras na ginugugol sana kasama ang pamilya o sa pagpapahinga. Kaya naman, huwag nating tanggapin na ganito lang talaga ang sistema natin. Huwag tayong magsawang ipanawagan ang pagbibigay-prayoridad sa mga ordinayong mamamayan. Karapatan natin ang maginhawang pagkilos sa ating komunidad, hindi ang magdusa at magtiis sa bulok na sistema ng transportasyon na kinakain ang oras natin.
Sumainyo ang katotohanan.




