27,052 total views
Dulot ng sunod-sunod na kalamidad at malawakang katiwalian sa bansa; “National Cry for Mercy and Renewal”, itinakda ng CBCP
Itinakda ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagsasagawa ng ‘National Day of Prayer and Public Repentance’ sa Martes, October 7 kasabay ng Kapistahan ng Santo Rosaryo.
Layunin ng panawagang ito na pagtibayin ang pananampalataya ng sambayanan sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad at lumalalang suliranin ng katiwalian sa bansa.
Sa inilabas na liham pastoral, hinimok ni CBCP president Cardinal Pablo Virgilio David ang lahat ng diyosesis, parokya, kapilya, paaralan, pamilya at mga organisasyong simbahan na makiisa sa pagdiriwang.
Kabilang dito ang pagdarasal ng natatanging panalangin simula Martes at tuwing Linggo hanggang sa Kapistahan ng Kristong Hari sa Nobyembre 23, bilang tuloy-tuloy na panawagan ng awa at pagbabagong-loob.
Ang panalangin na pinamagatang A National Cry for Mercy and Renewal ay taimtim na humihiling sa Panginoon na pakinggan ang tinig ng sambayanan na kasalukuyang nahaharap sa matitinding pagsubok.
Ipinunto ni Cardinal David na ang pagdiriwang na ito ay higit pa sa panawagan ng pambansang pagbabalik-loob, sapagkat ito rin ay bahagi ng mas malawak na paglalakbay ng Simbahan sa synodality—isang sama-samang paglalakbay ng bayan ng Diyos na bukas sa pakikinig sa Espiritu at sa kapwa, habang isinasabuhay ang pagpapakumbaba at pag-asa.
Una na ring nanawagan si Pope Leo XIV sa lahat ng mananampalataya na magdasal ng Santo Rosaryo araw-araw ngayong buwan ng Oktubre, na itinuturing na buwan ng Rosaryo, bilang panalangin para sa kapayapaan sa buong mundo.
Iginiit ng Santo Papa na sa gitna ng umiigting na digmaan at kaguluhan sa iba’t ibang bansa, mahalagang manatili ang mga Kristiyano bilang tapat na kasangkapan ng pagkakasundo at kapayapaan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Binigyang-diin din niya ang tungkulin ng mga Kristiyano na maging saksi na ang pag-ibig at pagpapatawad ay higit na makapangyarihan kaysa sa sugat ng hidwaan at kawalang-katarungan.
Hinikayat pa ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na maging saksi at tagapaghatid ng awa, kapayapaan, at pag-ibig, higit sa anumang pagkukulang o pagkakawatak-watak ng sangkatauhan.




