165 total views
Naging emosyonal si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagtatapos ng pinangunahan niyang banal na misa sa New Bilibid Prison Maximum Security noong ika-21 ng Disyembre.
Ito ay matapos siyang alayan ng panalangin ng mga bilanggo para sa kanyang bagong misyon bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples sa Vatican.
Sa panalangin ng mga bilanggo inilahad ang kanilang pagpapabaon ng pagmamahal sa Kardinal at paghingi ng patnubay sa Diyos na iligtas siya mula sa mga sakuna o panganib.
Dagdag pa dito, ipinagdasal din ng mga bilanggo ang kalakasan at malusog na pangangatawan ni Cardinal Tagle upang ganap niyang magampanan ang kan’yang paglilingkod bilang tapat na alagad ng Diyos.
Umaasa din ang mga ito na muling magkaroon ng pagkakataon ang Cardinal upang makadalaw sa mga bilanggo ng New Bilibid Prison.
“Sa kan’ya pong pag-alis, nais po naming ipabaon sa kan’ya ang aming pagmamahal, pagmamahal ng mga bilanggo. Hinihiling din po namin na sa ibang panahon, makadalaw pa rin s’ya dito sa amin. Panginoon, patnubayan po ninyo ang aming Mahal na Kardinal, saan man po s’ya mapunta ay maging ligtas po s’ya sa anu mang sakuna o panganib. Pagkalooban po ninyo s’ya ng kalakasan at malusog na pangangatawan para po lubos n’yang magampanan ang kan’yang paglilingkod bilang tapat mong alagad.” Bahagi ng panalangin ng mga bilanggo para kay Cardinal Tagle.
Labis naman ang pasasalamat ni Cardinal Tagle sa panalangin ng mga bilanggo at nangako ito na kung magkakaroon ng pagkakataon ay muli siyang bibisita sa NBP kahit hindi pasko.
Aminado naman ang Cardinal na maging siya ay walang kasiguraduhan sa kan’yang magiging bagong misyon subalit hinimok nito ang mga preso na manatiling nagtitiwala sa Diyos na mapagmahal.
Lubos din aniya siyang umaasa sa panalanging pabaon at taos pusong pagmamahal ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison.
“Katulad nung kwento ko kanina, sabi nung bilanggo maraming bagay hindi raw sigurado sa kan’ya, ganun din ho ang pakiramdam ko ngayon ang daming hindi ko alam. Yun nalang, magtiwala sa Panginoon, na napakaraming tao na kahit hindi ko nakausap, hindi ko nakaulayaw pero nagsasabi na magdarasal at ako po’y umaasa talaga sa mga dasal ninyo sa selda, sa chapel, dito sa covered court lalo na galing po sa inyong puso.” Bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Taun-taon pinangungunahan ni Cardinal Tagle ang banal na misa sa New Bilibid Prison bilang bahagi ng pagdiriwang sa pasko na inoorganisa ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry.
Maihahalintulad naman ang pag-aalay ng panalangin ng mga bilanggo kay Cardinal Tagle sa naging buhay ng Panginoong Hesus kung saan nakihalubilo ito sa mga makasalanan, mga minamaliit at mga nakalilimutan na ng lipunan.