98,626 total views
Mga Kapanalig, inanunsyo noong nakaraang linggo ng Maharlika Investment Corporation, ang investment company na pagmamay-ari ng gobyerno, na magpapautang ito para sa isang mining project sa probinsya ng Kalinga.
Nasa 4.4 bilyong piso ang ipauutang, na gagamitin para sa feasiblity study, pagtatayo ng mga kalsada, at skills-based training sa mga katutubong residente ng lugar na pagmiminahan. Naaayon daw ang pagpapautang na ito sa mandato ng investment company na palaguin ang ekonomiya at magkaroon ng sustainable development. Dahil dito, may “shared commitment” sila na magkaroon ng “sustainable, inclusive, and regenerative development” sa mining project na ito.
Sa tingin ninyo, mga Kapanalig, sustainable, inclusive, at regenerative nga ba ang pagmimina?
Kung inyong matatandaan, nagkaroon ng landslide noong nakaraang taon sa isang minahan sa Davao de Oro, kung saan halos 100 ang nasawi. Bagamat pinabulaanan ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) na may kinalaman ang pagmimina sa landslide, may mga pag-aaral nang nagpapatunay na ang pagmimina sa ilalim ng isang bundok o buról ay sanhi ng pagguho ng lupa.
Sa inilabas na liham-pastoral ng tatlong obispo ng Palawan noong Disyembre, sinabi nilang halos 28,000 na puno ang pinutol noong 2016 ng isang mining company. Kamakailan lamang ay pinahintulutan ng DENR ang pagpuputol ng 52,000 na puno para bigyang-daan ang pagmimina ng nickel sa isla. Isa lamang ito sa mga dahilan kung bakit isinusulong ng mga obispo ang 25 na taon na pagpapatigil ng pagmimina sa Palawan, na ayon sa kanila ay unsustainable at maaaring magdulot ng permanenteng pagkasira sa kalikasan.
Nakaaalarma ang pagmimina sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, lalo pa’t sinabi kamakailan ng DENR na sa 15 milyong ektarya ng forest land sa bansa, nasa 7 milyon lang ang may tanim na puno o ang tinatawag na forest cover. Nagsisikap naman daw ang kagawaran na itaas sa 10 milyong ektarya ang mga lupaing may forest cover. Pero sa kabila nito, patuloy ang pag-apruba ng DENR sa mga mining projects na mapanganib at hindi naikonsulta sa mga apektadong komunidad.
“Stop destroying forests, wetlands, and mountains; stop polluting rivers and seas; stop poisoning food and people.” Iyan ang panawagan ni Pope Francis sa mga tinatawag na “extractive industries” kung saan kabilang ang pagmimina. Iminungkahi rin ng Santo Papa ang pagkakaroon ng pinansyal na suporta sa conservation of biodiversity. Ito ang dapat na ginagawa ng mga investors, hindi ang magpautang sa mga proyektong mapanganib at makasisira sa kalikasan.
Mga Kapanalig, sa pagmimina, hindi lang dapat paglago ng ekonomiya at pagkakaroon ng malaking kita ang layunin. Bigyang-pansin dapat, higit sa lahat, ang kapakanan ng mga apektadong komunidad at ng kalikasan. Napakaraming likas na yaman ng Pilipinas; huwag sanang maubos ang mga ito dahil sa pagmimina. Huwag dapat manguna ang gobyerno sa pagpopondo at pagpapautang sa mga proyektong nakasisira sa kalikasan. Huwag sana nating sapitin ang inilalarawan sa Jeremias 2:7 na “dinala sa isang mayamang lupain… ngunit dinungisan [ito] dahil sa karumal-dumal na mga gawain.”
Sumainyo ang katotohanan.