280 total views
May 26, 2020-10:36am
Hindi inaasahan ng Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) ang naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na ‘no vaccine, no opening of classes’.
Ayon kay CEAP-NCR Trustee Fr. Nolan Que nakapaghanda na ang mga pribadong paaralan para sa pagbubukas ng klase base na rin sa kasunduan sa pagitan ng Inter-Agency Task Force at Department of Education.
“Ang opening of classes sa aking pagkakaintindi, hindi nangangahulugan na ang mga bata ay pupunta sa paaralan. Basically that has been my advocacy. Kapag hindi pa handa na papuntahin sa mga paaralan ‘wag papuntahin. But there are different modes of delivery,” paliwanag ni Fr. Que.
Paliwanag pa ng pari, hindi rin siya sang-ayon na walang gagawin ang mga mag-aaral sa loob ng isang taon dulot na rin ng pangamba sa nakakahawang sakit.
Nangangamba rin si Fr. Que na posibleng mawalan ng trabaho ang mga kawani ng mga catholic schools sa oras na hindi ituloy ang pasukan ngayong taon.
“Pangalawa ang iniisip ko ‘yung mga private schools may mga empleyado kami for example kami ang empleyado ko ang 600 paano ko sila tutulungan for one year,” ayon kay Fr. Que.
Umaasa si Fr. Que na muling magkakaroon ng pulong sa pagitan ng mga private schools, IATF at Department of Education upang linawin ang naging pahayag ng Pangulo.
Sa kasalukuyan ayon sa pari ay may 60 porsiyento na ang online registration ng CEAP para sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo.
Ang CEAP ay may kabuuang 1,484 member-schools sa buong bansa.
Sa panig naman ng mga pampublikong guro, pabor silang maantala ang pagbubukas ng klase subalit hindi ang tuluyang pagpapaliban ng school year.
Ayon kay Benjo Basas ng Teachers Dignity Coalition, bagama’t ang pagbubukas ng school year ay hindi naman face-to-face kungdi iba’t ibang paraan ng pagtuturo ay mas mahalagang makapaghanda ng husto ang mga guro gayundin ang mga magulang sa bagong paraan ng pagbubukas ng klase.
“Yung pag-delay mas wise yan. Kaysa isugal natin ang kaligtasan ng mga bata,” ayon kay Basas.