132 total views
Hinimok ni Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo ang mga bilanggo na gunitain ang panahon ng kuwaresma ng may pagsisisi sa mga nagawang kasalanan at tuluyang magbagong buhay.
Sa isinagawang misa sa Mandaluyong city jail, inihayag ni Bishop Pabillo na ang pagsasagawa ng misa kasabay ng mahal na araw sa mga bilangguan ay pagpapakita lamang ng pag-asa para sa mga bilanggo at kanilang maramdaman na ang Diyos ay palaging nagpapatawad.
Giit ng Obispo, hindi maaring alisin sa mga bilanggo ang kanilang karapatan sa pananampalataya lalo na kung pinagsisihan nito ang kanilang nagawang kasalanan at tinalikuran na ang paggawa ng hindi mabuti.
Sa homiliya ni Bishop Pabillo sinabi nito na ang labis na pagmamahal ng Diyos sa tao ang siyang dahilan kaya’t sinakrpisyo ni Hesus ang kanyang sarili at dapat itong pagnilayan ng mga nasa bilangguan at magsilbing aral para magbagong buhay.
“Malulungkot tayo hindi lang kay Hesus na nagdusa sa atin ngunit sana malungkot tayo sa ating kasalanan na naging dahilan ng kanyang pagdurusa at sa kabilang dako magsaya tayo maging mapagpasalamat tayo sapagkat siya’y ay namatay para sa atin alang-alang sa pagibig niya sa atin ganyan nya tayo kamahal. kaya habang pinagsisishan natin ang ating mga kasalanan nagpapasalamat tayo sa pagibig ng Diyos” bahagi ng homiliya ni Bishop Pabillo sa Mandaluyong City Jail.
Kaugnay nito muling hinimok ni Bishop Pabillo ang mga mananampalataya na makibahagi sa gaganaping ‘Penitential Walk for Life’ sa madaling araw ng Biyernes Santo na isasagawa mula Rajah Solayman Park hanggang sa Manila Cathedral.
“habang tayo ay naglalakad tayo ay magninilay ng daan ng Krus ni Hesus sa daan ng buhay dahil maraming tayong pagkukulang sa buhay, pag-aabuso nito, maraming napapatay kaya inaanyayahan ko po kayo na sumali sa ating penitential walk for life sa Biyernes at ipakita natin na tayo ay naninidigan para sa buhay” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Mapapakinggan sa himpilan ng Radyo Veritas ang nasabing pagtitipon.