156 total views
Pinangaralan ni Diocese of Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez si presidential aspirant Davao City Mayor Rodrigo Duterte ukol sa pagpatay sa mga kriminal sa bansa.
Ayon kay Bishop Gutierrrez, mainam na idaan na lamang ni Duterte sa legal process ang mga akusado na nahatulang guilty at ipaubaya sa mga religious groups ang rehabilitation sa mga ito.
Nanindigan naman ang obispo, na hindi susi ang pagpatay sa mga kriminal upang mabawasan ang krimen sa bansa lalo na ang buhay ng tao ay sagrado dahil ito ay nagmumula sa Diyos.
Naniniwala naman si Bishop Gutierrez na ang pangunguna ni Duterte sa presidential survey ay larawan ng mga Pilipinong sawang – sawa na sa mga pangako na napapako ng mga tradisyunal na pulitiko sa bansa.
“Matagal na naming sinasabi na bawal yan, hindi pwede because life is precious, life comes from God. So yung mga criminals first they have to go to the legal process, found guilty and so on. Right there in jail i – rehabilitate not to kill. In rehabilitating they bring in religious groups to help in the rehabilitation. Kaya lang sabi namin bawal ang pumatay. Our people are prostrated with the traditional politicians. Panay lang ang promise, promise, promise,” bahagi ng pahayag ni Bishop Gutierrez sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid sa inilabas na statement ng Amnesty International noong December 2015 kinukondina nito ang mga paglabag sa karapatang pantao ni Duterte.
Nilinaw naman ni Duterte ang paratang ng Amnesty International na hindi 700 kundi 1,700 na tao na ang kanyang pinatay.
Sa inilabas na pastoral letter ni Catholic Bishops Conference of the Philippines president at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, isinasaad na bagama’t malaki ang pagnanais ng sambayanan ng pagbabago, hindi dapat pumili ng kandidatong walang pakundangan sa karapatan ng ibang tao at hindi binibigyan ng pagpapahalaga ang mga pangaral ng Simbahang Katolika.