226 total views
Isinusulong ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity (CBCP – ECL) sa pamahalaan ang pagpapatupad ng minimum na sahod sa lahat ng mga manggagawa sa bansa.
Ayon kay CBCP – ECL chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na napapanahon na isulong ang matagal nang panawagan ng mga manggagawa na taasan ang kanilang sahod para kanilang pamilya.
Naniniwala rin ang obispo na mas giginhawa ang buhay ng mga manggagawang Pilipino kung tuluyan ng ibibigay ang matagal na nilang kahilingan pagtataas ng sahod na unahin na bigyang prayoridad ang minimum wage bago ang national minimum wage.
“Ang paningin ko imbes na manawagan ng national minimum wage ay dapat ibigay muna ang minimum wage. Okay na rin yan na manawagan para sa national minimum wage pero dapat ipatupad dahil marami pang manggagawa natin ang hindi pa nakakatanggap ng minimum wage. Alam ko ang dahilan bakit nanawagan sa national minimum wage kasi sa ibang mga bahagi ng mga bansa napakaliit ng minimum wage. Kaya nahingi sila ng national minimum wage pero mas malalim na panawagan pa dapat na ang minimum wage ay ibigay sa mga manggagawa,” bahagi ng bahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas .
Una na ring nag- alay ng panalangin ang obispo sa lahat ng manggagawa na magkaisa sa pagkilos ngayong “Mayo Uno” na ginugunita ang “Araw ng Paggawa.”
“O Diyos na Amang mapagmahal kami po ay nagpapasalamat sa lahat ng lakas ng paggawa na iyong ibinigay sa amin. Tulungan niyo po na kami ay mabigyan na nararapat na sahod sa aming paggawa at gawin niyo po na sa pamamagitan ng aming sama – samang pagkilos kami’y magkaisa sa aming panawagan sa pamahalaan na bigyan ng pansin ang kalagayan ng mga manggagawa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon,” panalangin ng obispo sa lahat ng mga manggagawa.
Sa ulat ng Ibon Foundation, kinakailangan ng bawat manggagawa ang P750 national minimum wage upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya.
Naitala rin nito na umabot lamang sa P77 ang itinaas na minimum wage sa National Capital Region mula P404 noong July 2010 sa P481.
Ito na ang pinakamababang naitalang pagtaas ng sahod mula pa taong 1990.