252 total views
Hinikayat ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na patuloy na ipanalangin ang Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng kontrobersyal na pahayag nito na ‘God is stupid’.
“Ito ay nakakalungkot sa mataas na pinuno na kanilang tinulungan, na hamakin ang Panginoon. Talaga naman sa kanilang paghihirap sa ibang bansa ang kanilang tanggulan ay ang Panginoon,” ayon kay Bishop Santos.
Ayon sa Obispo, ang mga OFW ang pumupuno ng mga simbahan sa iba’t ibang bansa at malaki ang kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang remittances.
“Magpaatuloy pa rin sila sa kanilang ginagagawa, punuin ang simbahan at ‘wag itong maging daan na sila ay maligalig at manlalambot sa kanilang pananampalataya. Tulungan pa rin natin ang ating ekonomiya, ipagdasal at unawain ang ating Pangulo,” ayon kay Bishop Santos.
Dagdag pa ni Bishop Santos-chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), kinikilala rin ng simbahan ang mga O-F-W bilang misyonero ng pananampalatayang Kristiyano.
“Sila ay tumutulong sa simbahan at ‘yung kanilang narinig ay masakit din sa kanila. Sapagkat tumulong sila sa Pangulo na siya ay maiupo at yun ang kanilang maririnig sa kanya na hindi dapat mapakinggan,” ayon kay Bishop Santos.
Noong 2016 Presidential elections, 90 porsiyento sa 400 libong bumoto sa Overseas Absentee Voting (OAV) ang nakuha ng pangulong Duterte.
Mula sa 10 milyong OFW sa buong mundo may higit sa isang milyon ang ‘registered voters’ kung saan naitala ang 40 porsyento ang nakibahagi sa halalan.