75,413 total views
Mga Kapanalig, isa na namang oil tanker ang lumubog sa ating karagatan. Patungong Iloilo ang MT Terranova na may lulang 1.4 milyon litrong industrial oil noong Hulyo 25 malapit sa baybayin ng Limay, Bataan.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, nasa 11,000 na mangingisda sa Bataan at 8,000 na mangingisda sa Bulacan ang maaaring mapektuhan ng oil spill. Noong Hulyo 31, isinailalim sa state of calamity ang walong bayan sa Cavite. Gaya ng Limay, Bataan, no-catch zone na rin sa mga bayang ito. Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, nasa 25,000 mangingisda sa mga apektadong bayan ang nangangailangan ng tulong dahil sa kawalan ng hanapbuhay. Sa tantya ng Pamalakaya, isang pederasyon ng mga mangingisda, pinakaapektado sa Cavite ang Naic (na may 7,000 na mangingisda) at Rosario (na may 6,000 na mangingisda). Pinangangambahang umabot na rin ang oil spill sa Manila Bay.
Ang kompanyang SL Harbor Bulk Terminal Corporation ang sinasabing umarkila sa MT Terranova. Bilang isang subsidiary, konektado ang kompanya sa San Miguel Shipping na kung matatandaan ay umarkila sa MT Princess Empress na lumubog at nagdulot din ng malawakang oil spill sa Mindoro noong nakaraang taon. Pag-aari naman ang MT Terranova ng Shipowner Shogun Ships Company Incorporated. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, hindi pa nakikipag-ugnayan sa opisina ni Bataan Governor Jose Enrique Garcia III ang may-ari ng barko para pag-usapan ang pagbabayad-danyos sa mga apektadong komunidad sa probinsya. Ayon naman sa Philippine Coast Guard, kumikilos na ang pamahalaan, katuwang ang pribadong sektor katulad ng Petron Corporation, na bahagi ng San Miguel Group of Companies, at ng Shipowner Shogun upang pigilan ang paglawak ng oil spill.
Nanawagan naman ang iba’t ibang environmental groups sa pamahalaan na papanagutin ang mga kumpanyang responsable sa panibagong insidente ng oil spill. Para sa Center for Energy, Ecology, and Development (o CEED), pangalawang oil spill na ito sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Mayroon nang dapat mga aral na natutunan sa unang oil spill. Hindi raw ito dapat matulad sa nangyari sa Mindoro kung saan hanggang ngayon ay walang napanagot sa mga polluter. Ganito rin ang panawagan ng Greenpeace. Dapat daw pagbayarin ang mga maysala (o #MakePollutersPay). Anila, ang mga mangingisda, ang pinakamahirap na sektor sa bansa, ang pinakaapektado ng mga krisis na idinudulot ng “climate polluting companies” katulad ng mga fossil fuel at oil companies. Hangga’t hindi raw sila napananagot, magpapatuloy ang mga pinsalang bunga ng kanilang pagiging iresponsable.
Katulad ng sinasabi sa Catholic social teaching na Laudato Si’, ang pagtangis ng mundo ay pagtangis din ng mga dukha. Sa pagkasira ng ating mundo, higit na naaapektuhan ang mahihirap sa ating lipunan sapagkat mas vulnerable sila sa mga epekto nito. Dagdag pa ni Pope Francis, hindi magkahiwalay ang mga kinakaharap nating krisis na panlipunan at krisis na pangkalikasan.
Sa kaso ng nangyaring oil spill, makikita nating ang pagkasira ng karagatan ay nauuwi sa kawalan ng hanapbuhay ng mga mangingisda. Malinaw itong halimbawa ng mga krisis na inilalarawan ni Pope Francis—ang krisis na pangkalikasan ay krisis na panlipunan din. Ang pag-iyak ng karagatan ay pag-iyak ng mga mangingisda. Kaya malaking kawalan ng katarungan kung walang mapananagot sa insidenteng ito at kung hindi mabibigyan ng angkop at pangmatagalang tulong ang mga mangingisdang nawalan ng hanapbuhay.
Mga Kapanalig, ilan sa mga unang disipulo ni Hesus ay mga mangingisda. Sa Mateo 4:19, inanyayahan sila ni Hesus upang maging mga “mangingisda ng mga tao.” Huwag sana nating hayaang patuloy na maghirap at maging biktima ng kawalan ng katarungan ang mga mangingisda sa panahon natin ngayon. Panagutin ang mga dapat panagutin sa pagkawala ng kanilang hanapbuhay.
Sumainyo ang katotohanan.