642 total views
Pagsamahin ang pananalangin, pagkilos at pagtutulungan bilang isang bayan upang tugunan at mabisang matulungan ang nagugutom na pamilya sa buong Pilipinas.
Ito ang naging mensahe ni Florinda Lacanlalay – HAPAG-ASA Integrated Nutrition Program consultant matapos maitala ng Social Weathers Station (SWS) na tumaas sa 3-milyon ang pamilyang Pilipino na nakaranas ng gutom sa 4th quarter ng taong 2021.
Ayon kay Lacanlalay, inaasahan na ang pagtaas ng bilang ng mga nagugutom dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Pinalala rin ng bagyong Odette ang kalagayan ng maraming pamilya matapos itong manalasa sa ilang bahagi ng Mindanao at Visayas.
“If you notice nasa NCR yung pinakamalaki na number na mataas yung hunger at yun yung talagang hit by the COVID because of the lockdowns kaya talagang maraming pamilya ang nakakaranas ng kagutuman despite the efforts of the government to provide food packs talagang siyempre kukulangin parin po,” ayon panayam ng Radio Veritas kay Lacanlalay.
Inihayag naman ni Lacanlalay na nagpapatuloy naman ang mga programa ng simbahan upang mapakain ang mga batang nagugutom at mabigyan ng agapay ang mahihirap na pamilya sa buong bansa.
Ito ay upang labanan ang malnutrisyon sa bansa na nagiging balakid sa development ng isang bata upang siya’y matuto at makapag-aral.
“So tuloy-tuloy yung assistance ng church at dito sa Metro Manila tsaka sa ibang parts of the countries. Yung ginagawa nila continous feeding tapos nagpo-provide ng food packs yung sa Caritas Filipinas, yung CBCP-NASSA Hapamilya, mayroon ng meal tapos mayroon ng subsidy iyon for family of five so off course hindi nga lang mabibigyan ang lahat” pagbabahagi din ni Lacanlalay.
Paanyaya din ni Lacanlalay sa mga katoliko at mamamayan na ginugunita ang panahon ng kuwaresma na ipunin at ibahagi bilang donasyon sa HAPAGASA ang kanilang matitipid na halaga sa kanilang pag-aayuno.
Ito ay upang gamitin ng Pondo ng Pinoy at HAPAGASA sa pagpapakain ng mga batang nagugutom sa buong Pilipinas na isinasagawa sa tulong ng mga Diocesan Social Action Centers at iba pang parokya.
Buhat ng magsimula ang Pondo ng Pinoy at HAPAGASA noong 2005, umaabot na sa mahigit 2-milyong mga bata ang natulungan nito upang makaahon mula sa malnutrisyon.