10,071 total views
Ilang bayan sa lalawigan ng Batanags ang binabantayan ngayon ng Archdiocese of Lipa matapos magsilikas ang mga residente dahil sa banta ng pagliligalig ng bulkang Taal.
Ayon kay Paolo Ferrer, communication officer ng Lipa Archdiocesan Social Action Center o LASAC, nakatuon ang kanilang atensyon sa mga Parokya at bayan sa Agoncillo at Laurel kung saan nasa mahigit isang libong pamilya ang pansamantalang inilikas matapos na itaas sa alert level 3 status ang bulkan.
Sa kasalukuyan, hindi pinahihintulutan ang pagkakaroon ng mga evacuees sa mismong mga Simbahan at mas minabuti na manatili ang mga residente sa mga matataas na lugar.
“Simula nung nag-alburoto ito nung isang araw patuloy ang monitoring [namin] at ang abiso ng PHIVOLCS ay tumutok sa kanilang mga anunsyo dahil ano mang oras ay maaring sumabog muli ang bulkan. Yung Municpality ng Agoncillo at Laurel, yan ang pasok sa identified na danger zone, yan ang mga malapit na barangay sa bulkang Taal. Itong Parokya ng Our Lady of Perpetual Help, sa Laurel may isa din Parokya at may dalawa sa Agoncillo ang constant communication tayo. Pahayag pa ni Ferrer sa panayam ng programang Caritas in Action sa Radyo Veritas.
Magugunitang unang umapela ang Archdiocese of Lipa ng panalangin para sa mga naapektuhan ng pagliligalig ng bulkang Taal.
Tiniyak ng Arkidiyosesis na naka-antabay ang kanilang hanay sa posibilidad ng pangangailangan ng mga apektadong residente bagamat natutugunan pa ito ng lokal na pamahalaan sa kasalukuyan.
“Tayo ay augmentation lamang at covered pa naman ng mga municiapality ang mga evacuees pero tayo ay dapat maghanda three steps ahead kaya nananawagan na kami sa inyo ng [tulong].”Dagdag pa ni Ferrer.
Kaugnay nito naghahanda na ang Caritas Manila ng posibleng itulong para sa mga naapektuhan ng muling pagliligalig ng bulkang Taal.
Matatandaang taong 2020 nang magligalig ang bulkang Taal kung saan libo-libo ang naapektuhan at milyong halaga ang napinsala.
Isa ang Caritas Manila sa mga unang nakipag-ugnayan sa Arkidiyosesis ng Lipa at nagpadala ng tulong.