532 total views
Naglaan ng limang bilyong piso ang Pag-IBIG Fund para tulungan ang mga miyembrong nasalanta ng bagyong Paeng.
Tiniyak ni Department of Human Settlements and Urban Development secretary at Pag-IBIG Fund Chairman Jose Rizalino Acuzar ang pag-agapay sa mga biktima ng kalamidad sa pamamagitan ng calamity loan sa mga miyembro.
“We have set aside P5 billion in calamity loan funds to help them recover from the damages caused by the typhoon,” pahayag ni Acuzar.
Sa datos ng Pag-IBIG Fund nasa 344, 000 kasapi ng institusyon ang napinsala ng bagyo mula sa CALABARZON, Bicol Region, Western Visayas, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ilan pang lugar na nagdeklara ng state of calamity.
Ito ang tugon ng ahensya sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang tulong sa pangangailangan ng mga apektadong komunidad sa bansa para makabangon sa pinsala ng bagyo.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, bagamat biktima at napinsala rin ang ilang tanggapan ng institusyon sa mga apektadong lalawigan ay nanatili itong bukas para pagsilbihan ang mga miyembro at maipamahagi ang financial assistance.
“When calamities strike, we at Pag-IBIG understand that our members in affected areas need immediate financial assistance. For this reason, we make sure that all our services and benefits remain accessible to our members,” ani Acosta.
Sinabi ni Acosta na nasa dalawang bilyong piso na ang naipamahagi sa halos 150-libong kasapi ng Pag-IBIG Fund sa calamity-hit areas sa bansa.
Sa ilalim ng Pag-IBIG Calamity Loan maaring makahiram ang mga miyembro ng hanggang 80 porsyento sa kabuuang Pag-IBIG Savings mula sa buwanang hulog at mga dividendong kinita.
Nagtalaga rin ng Lingkod Pag-IBIG On-Wheels ang ahensya para paigtingin ang serbisyo sa mamamayan lalo na sa mga lugar na labis napinsala ng kalamidad.
Maaari ring mag-apply ang mga miyembro sa Virtual Pag-IBIG o online access para sa kanilang loan application.