3,574 total views
Walang nakikitang masamang epekto sa gobyerno ang pagre-resign ni Vice President Leni Robredo bilang Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC Czar.
Ayon kay Father Jerome Secillano,exec.secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, hindi pag-aari ng iisang tao ang mga gampanin sa pabahay para sa mga mahihirap sa bansa.
Inihayag ng pari na malinaw naman ang programa ng HUDCC na nangangailangan lamang ng mahusay na implimentsayon.
Tinuturing ni Father Secillano na “blessing in disguise” ang pagbibitiw sa puwesto ni Robredo kung totoong walang natanggap na tulong o pondo ang HUDCC mula sa pamahalaan.
“Palagay ko, wala naman itong masamang epekto sa programa ng HUDCC. Hindi naman pag-aari ng isang tao lang ang mga gampanin sa pabahay sa mga mahihirap. Malinaw naman din ang programa ng naturang ahensiya at ang mga ito ay ii-implementa na lamang. Kung totoo man na hindi nakatanggap ng suporta ang pangalawang pangulo sa kanyang opisina, maaari pa ngang makatulong ang kanyang pagbibitiw sa ahensiya dahil ang ipinalit sa kanya ay kilalang malapit sa pangulo at inaasahang ibibigay dito ang mga pangangailangan ng ahensiya upang lubusan ng maisakatuparan ang lahat ng plano ng HUDCC,” pahayag ng pari.
Nabatid sa survey ng University of Florida Architecture Department, ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng mga walang tirahan sa lahat ng mga siyudad sa mundo na may kabuuang 12.8-milyong tao.