411 total views
Binigyang diin ng Arkidiyosesis ng Cebu na mahalagang maiwan sa mamamayan ang magandang pamana sa pagdiriwang ng ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa bansa.
Ayon kay Archbishop Jose Palma napakahalagang maalala ng mananampalataya ang kahalagahan ng kristiyanismo. Ito ang pagninilay ng arsobispo sa paglunsad sa Bags of Hope at Quincentennial Crosses ng arkidiyosesis. Sinabi ni Archbishop Palma na ang siyam na taong paghahanda ng bansa sa quincentennial anniversary ng kristiyanismo ay nakatuon sa paghubog at pagdiriwang sa bunga ng pananampalataya.
“We remember that after basically the emphasis on formation and celebration, now the important challenge for us is legacy. What legacy do we give so that people who might have wanted to come for the celebration and the events and could not come, may also feel that they have participated and that they have also profited from 500 YoC,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Matatandaang 2013 nang simulan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang paghahanda sa 500 Years of Christianity ng bansa sa pamamagitan ng pagtatalaga ng paksa bawat taon kung saan itong 2021 ay nakalaan sa ‘Year of Missio Ad Gentes’ o taon ng misyon. Ipinaliwanag ni Archbishop Palma na dulot ng kasalukuyang pandemya ay mas lumawak ang programa ng paghahanda sa tulong ng makabagong teknolohiya ng internet at social media.
‘”We do not always broadcast [what we are doing] and bring the livestream report to [various activities] so that others may see but all of these – the bags of hope are all part of both formation and expression of our 500 Years of Christianity celebrations,” ani ng arsobispo.
Kabilang sa mga bags of hope ang bigas, gulay, vitamins at iba pang mga pagkain na ibinahagi sa mga parokya upang matulungan ang mga pamilyang labis naapektuhan ng pandemya.
Ginawa ang paglunsad ng programa sa St. Joseph Chapel, Archbishop’s Residence sa Cebu City nitong Abril 18, 2021. Batay sa kasaysayan sa Cebu itinanim ang binhi ng pananampalataya nang binyagan ni Fr. Pedro Valderama sina Raja Humabon at Reyna Juana kasama ang 800 indibidwal noong Abril 14, 1521.
Umaasa si Archbishop Palma na isabuhay ng bawat kristiyano ang pagiging mabuting katiwala ng Panginoon sa pamamagitan ng paglingap at pagmamalasakit sa kapwa.