226 total views
Inanunsyo na ng Order of St. Augustine Province of Sto. Niño De Cebu ang paglulunsad ng ika-5 sentenaryo ng pagdating ng imahe ng batang Hesus sa lalawigan.
Pangungunahan ito ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia kasama ang Philippine Province ng Order of St. Augustine.
Itinakda ng kongregasyon ang paglulunsad sa ika-13 ng Nobyembre sa Basilica Minore Del Santo Nino sa Cebu City na sisimulan sa isang conference alas-3 ng hapon kung saan tatalakayin ang kwento ng pagdating ng imahe at ang iba pang gawaing paghahanda.
Susundan naman ito ng banal na misa na pangungunahan ng Nuncio habang isasagawa rin dito ang unveiling sa 500 years logo ng Santo Nino arrival at pagbabasbas sa mga Santo Nino pilgrim images.
Ito rin ay hudyat ng puspusang paghahanda sa pamamagitan ng iba’t ibang gawain ng Basilica kung saan hinimok ang mamamayan na makiisa at makibahagi sa makasaysayang pagdiriwang sa 2021.
Magugunitang Abril 1521 nang dumating si Ferdinand Magellan sa Cebu kasama ang mga misyonerong espanyol at nagpalaganap ng katolisismo sa lalawigan.
Inihandog ni Magellan kay Reyna Juana ang imahe ng Santo Nino makaraang binyagan ito ng mga pari at sumampalataya sa kristiyanismo kung saan bukod kay Juana, tumanggap din ng kaparehong sakramento si Rajah Humabon at ilang mga katutubo
Tema ng pagdiriwang ang ‘Santo Niño at 500: Santo Niño, the abiding presence of the Father in our journey of faith.’