300 total views
Mga Kapanalig, nitong nakaraang linggo, isinalaysay ng ating kababayang mangingisda na si Ginoong Larry Hugo ang kanyang naging karanasan nang maglaot siya patungo sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea. Isang barko ng coast guard ng China ang humarang sa kanyang bangka nang paparating siya sa isa sa mga sandbars na malapit sa isla. Maraming taon na niyang pinupuntahan ang lugar na iyon upang mangisda, subalit ngayon lang daw siya nakaranas ng gayong pagharang at pananakot mula sa Chinese coast guard. May mga pitong barko pa siyang natanaw subalit hindi niya tiyak kung sinu-sino ang naroon at kung ano ang pakay nila.
Matagal na itong isyu ng pag-angkin ng Tsina sa bahagi ng West Philippine Sea. Ang pagtatalaga ng barkong coast guard at ilan pang sasakyang pandagat ay pruweba ng kanilang determinadong pag-angkin sa mga isla at katubigang nakapaloob sa West Philippine Sea sa kabila ng naipanalong kaso ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague. Itong mahigpit na pagbabantay na ginagawa ngayon ng China ay nagmula sa isang batas na kanilang ipinasa kamakailan na nagbibigay-kapangyarihan sa kanilang coast guard na gumamit ng puwersa sa mga dayuhang barko na magbabalak na dumayo sa mga pinagtatalunang isla at karagatan. Dapat itong ikabahala ng Pilipinas, ayon kay maritime law expert na si Ginoong Jay Batongbacal. Hindi raw ito katanggap-tanggap na pagkilos ng pag-angkin at pagkontrol ng China sa West Philippine Sea. Dagdag pa niya, ang paggamit ng dahas sa pag-angkin sa teritoryong-karagatan gayong ang may karapatan sa katubigan ay ibang bansa, ay maituturing na paglabag sa mga pandaigdigang batas at isang gawaing pananalakay.
Umalma ang ilang senador sa nasabing batas ng China. Idiniin nina Senador Risa Hontiveros at Francis Pangilinan na hindi dapat tayo magpasindak sa panghihimasok ng Tsina sa soberanya ng ating bansa. Hiniling naman ni Senador Richard Gordon ang paliwanag ng China sa pagpasa ng gayong batas. Kung hindi na nga kinikilala ng China ang pasya ng Permanent Court of Arbitration, bakit kinakailangan pa nitong magpasa nga isang batas na pinahihintulutan ang coast guard nito na gumamit ng puwersa sa mga itinuturing nilang nanghihimasok sa pinagtatalunang katubigan? Ano ba ang tunay na pakay nila sa pagpasa ng batas na hindi lamang pinakikialaman ang teritoryong tayo ang may karapatang pangasiwaan, kundi patuloy ring maaapektuhan ang kabuhayan ng ating mangingisda? Naghain na ng diplomatic protest ang ating Department of Foreign Affairs na nagsasaad na bagamat karapatan ng mga bansa ang magpasa ng sarili nilang batas, itong bagong batas ng China ay maituturing na pagbabanta ng digmaan sa alinmang bansang hindi ito kikilalanin.
Bilang suporta, ipinahayag ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na maliwanag na ipinagbabawal ng United Nations Charter ang paggamit ng puwersa ng isang bansa laban sa ibang bansa. Anumang kahalintulad na mga isyu ay dapat mapag-usapan at mapagkasunduan sa isang mapayapang paraan katulad ng negotiation, mediation, o arbitration.
Kapayapaan din sa pagitan ng mga bansa ang binibigyang-diin ng ating Santa Iglesia. Sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, sinabi ni Pope John XXIII na katulad sa pakikipagkapwa ng mga indibidwal sa isa’t isa, ang mga bansa ay tinatawagan ding igalang sa isa’t isa. Katotohanan, katarungan, pagtutulungan, at kalayaan ang dapat mamayani sa ugnayan ng mga bansa upang makapag-ambag ang lahat sa kapayapaan sa ating mundo.
Mga Kapanalig, sa paggiit ng ating karapatan sa karagatang nakapaloob ng ating teritoryo, hindi natin kailangang makipaghamunan ng digmaan. Gaya nga ng nasasaad sa Roma 14:19, “lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan.” Ngunit dapat tayong tumindig kahit pa ang nasa harapan natin ay isang makapangyarihang bansa.