444 total views
Naniniwala ang Center for Energy, Ecology and Development (CEED) na hindi na kailangan ng lalawigan ng Quezon maging ng bansa ang pagtatayo ng coal-fired power plants bilang alternatibong pagkukunan ng kuryente.
Ito’y hinggil sa proyekto ng San Miguel Global Power Holdings Corporation at ng Central Luzon Premiere Power Corporation sa pagtatayo ng dalawang coal-fired power plant sa bayan ng Atimonan at Pagbilao.
Ayon kay Atty. Avril de Torres, pinuno ng Research, Policy and Law Program ng CEED, bukod sa makapagdudulot ang mga planta ng hindi magandang epekto sa kalikasan at kalusugan ng tao ay marami ring nilalabag na proseso ang mga nasabing kumpanyang nais na magtayo nito.
“…Lalo na mula sa mga proponent na sa aming opinyon ay may mga ginagawang violations patungkol sa pagpoproseso ng kanilang Environment Compliance Certificate…,” pahayag ni de Torres sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi nito na maraming masamang epekto ang maidudulot ng coal plant, hindi lamang sa kalusugan ng tao kundi malaki ang magiging epekto nito sa polusyon sa hangin, tubig, maging sa lupa.
Ayon kay de Torres, “Halimbawa na lang sa hangin, kapag nagsunog ng coal, mayroong sulfur dioxide, nitrogen oxide at mga particulate matter katulad ng fly ash na kasama sa ibinubuga ng planta.”
Binigyang diin ni de Torres na kapag nalanghap ang mga harmful emission na ito ay maaari namang magdulot ng lung, respiratory, heart at skin diseases.
Hiling naman ni de Torres sa Department of Environment and Natural Resources na maging patas sa pagdinig sa mga kaso at pakinggan ang mga kahilingan ng mamamayang maaapektuhan ng mga ganitong uri ng proyekto bago ito isagawa at ipatupad.
“Para po sa DENR sa mga kaso na naisampa namin, sana po maging patas po sa pagdinig sa mga kaso. Pakinggan ‘yung mga pahayag ng mamamayan na maaapektuhan ng mga proyektong ito,” ayon kay de Torres.
Samantala, nananawagan naman sa pamahalaan ang Diocese ng Lucena kaugnay sa pagpapatayo ng coal-fired power plant sa lalawigan ng Quezon.
Ayon kay Msgr. Noel Villareal, Kura Paroko ng Our Lady of Angels Parish sa Atimonan na nawa’y panindigan ng DENR ang coal moratorium na nagpapatigil sa coal-fired power plants.
Paliwanag ng pari, ito’y dahil sinisira ng mga powerplant ang kalikasan at nagdudulot ng masamang epekto sa mga mamamayang naninirahan malapit sa mga ito.
“Panindigan nila ‘yung idineklarang coal moratorium na ipatigil na ‘yung mga applications sapagkat sinisira nito yung ating mismong tahanan o ating common home,” pahayag ni Msgr. Villareal sa panayam ng Radio Veritas.
Panawagan naman ni Fr. Warren Puno, pinuno ng Ecology Ministry ng Diocese ng Lucena na nawa’y pakinggan at tingnan ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ang bawat saloobin ng mga mamamayang naaapektuhan ng mga nakatayo na at itatayo pa lamang na mga coal-fired power plant sa lalawigan.
Binigyang diin ng pari na ito’y usapin ng buhay at kamatayan dahil apektado na ang mga pinagkukunang kabuhayan ng mga naninirahan dito.
“Kasi ang lagi nilang sinasabi ay ito’y para sa inyo. Pero ano yung saloobin ng mamamayan? Ito’y usapin ng buhay at kamatayan kaya sana ay bigyang pansin ng LGU, ng aming mga namumuno itong hinaing ng mga mamamayan lalu’t higit ng lalawigan ng Quezon,” bahagi ng pahayag ni Fr. Puno sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok din ni Fr. Puno ang mga ahensya tulad ng DENR, Energy Regulatory Commission at Environmental Management Bureau na tingnan at balansehin ding mabuti ang magiging epekto ng itatayong planta sa mga mamamayan lalo’t higit sa kalikasan.
Dalangin naman ng pari na nawa’y magkaroon ng patas na pag-aaral at dumaan sa tama at legal na paraan ang pagdinig sa usaping ito upang hindi na maipatayo at maituloy ang operasyon ng powerplant sa lalawigan.
Batay sa pag-aaral ng Greenpeace at Centre for Research on Energy and Clean Air noong nakaraang taon, mahigit 27,000-katao ang agad na nasasawi taun-taon dahil sa paglanghap ng maruming hangin na nagmumula sa mga coal-fired power plant.